Police Sergeant Enecito Ubales Jr. Police Sergeant Enecito Ubales Jr.

Pinsang pulis ni Garma pina-detain

101 Views

Pina-contempt ng Quad Comm

NAGHAIN ng utos ang quad committee ng Kamara de Representantes nitong Biyernes para sa pagkakakulong kay Police Sergeant Enecito Ubales Jr. dahil sa patuloy na pagsisinungaling tungkol sa umano’y higit P50 milyon na kahina-hinalang financial transactions na nauugnay sa kanyang pinsan, si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma, na malapit kay dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Bahagi ito ng imbestigasyon ng quad comm sa mga umano’y extrajudicial killings (EJK) na may kaugnayan sa brutal na war on drugs ni Duterte.

Si Ubales ay ikukulong sa Quezon City Jail hanggang sa matapos ang imbestigasyon ng mega-panel.

Nagdesisyon ang komite, na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, na ikulong si Ubales matapos matukoy na siya ay “consistently lying” sa mga pagdinig.

Sa pagdinig nitong Biyernes, tumestigo si Police Captain Delfinito Anuba na si Ubales ay sangkot sa mga kahina-hinalang transaksyon na konektado kay Garma.

Ayon kay Anuba, binigyan siya ni Ubales ng P30 milyon para ipapalit sa U.S. dollars na diumano’y ayon sa utos ni Garma.

Dagdag pa niya, hindi ito ang unang beses dahil dati na niyang ipinalit ang P20 milyon at iba pang mas maliliit na halaga habang si Garma ay nagsisilbi pa bilang PCSO general manager mula 2019 hanggang 2022.

Ang mga dolyar na ito, ayon kay Anuba, ay ipinadala umano sa dating asawa ni Garma, si Police Colonel Roland Vilela, na noon ay nakatalaga bilang police attaché sa Philippine Consulate General sa Los Angeles, California.

Itinanggi ni Ubales ang lahat ng alegasyon ni Anuba ngunit nabigo siyang kumbinsihin ang mga mambabatas.

Ilang miyembro ng komite ang nagpahayag ng kanilang paniniwala na nagsisinungaling si Ubales habang nasa ilalim ng panunumpa, dahilan para maghain ng mosyon na siya ay i-cite in contempt.

Ang quad committee, na binubuo ng mga miyembro mula sa House committees on dangerous drugs, public order and safety, human rights, at public accounts, ay tinitingnan ang ugnayan ng financial misconduct ni Garma at mga EJK sa ilalim ng kontrobersyal na anti-drug campaign ni Duterte.

Pinaghihinalaan ng mga mambabatas na si Garma, isang retiradong pulis, ay may mahalagang papel sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng isang kulungan sa Davao noong 2016 na diumano’y ayon sa utos ni Duterte.

Naniniwala sila na ang pagkakatalaga kay Garma bilang PCSO general manager ay posibleng gantimpala sa kanyang paglahok sa mga extrajudicial activities na ito.