Calendar
Plebisito pinapangambahan matabunan kung isasabay sa 2025 polls
IPINAHAYAG ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, PhD., na posibleng matabunan lamang ang isinusulong na pag-aamiyenda sa “economic provisions” ng 1987 Constitution kung isasabay ang plebesito nito sa mismong 2025 “mid-term elections”.
Sinabi ni Romero, chairman ng House Committee on Poverty Alleviation, na posibleng magkaroon aniya ng “conflict” kung isasabay ang plebisito para sa Charter-Change (Cha-Cha) sa mid-term elections sa susunod na taon dahil maaaring mauwi lamang sa “political contest” ang proseso.
Iminungkahi ni Romero na kailangang pag-aralan ng Kamara de Representantes at Senado kung ano ang mainam na gawin para hindi magkaroon ng conflict sa nasabing proseso matapos ipahayag ni President Bongbong Marcos, Jr. nan ais nitong isabay sa plebesito sa mid-term elections.
Sinegundahan din ni Romero ang pahayag ng kaniyang mga kasamahan sa Kongreso na maaaring masira ang intensiyon ng Marcos, Jr. administration kung sakaling ilalapit ang “timeline” ng Charter amendments sa mismong eleksiyon ng 2025 sapagkat mahahati ang atensiyon ng mga botante.
Ipinabatid pa ni Romero na ikinababahala nito na magamit sa politika sa pamamagitan ng campaign slogan at iba’t-ibang political interpretation ang Cha-Cha. Kaya minamadali ng liderato ng Kamara de Representantes ang pagtalakay sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7.
Gayunman, binigyang diin ng kongresista na bilang pinuno ng Committee on Poverty Alleviation, puspusan ang kanilang pagta-trabaho para tapusin ang deliberasyon at diskusyon ng Committee of the Whole sa RBH No. 7 bago sumapit ang Holy Week break ng Kongreso sa darating na Marso.
Samantala, nasungkit ng Philippine Team na kinabibilangan ni Romero ang ikatlong puwesto (3rd place) sa “All Asia Polo Cup 2024” matapos nilang talunin ang koponan ng China at Mongolia.