Rep. Robert Ace Barbers Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers

PMA Class ‘83 pinasalamatan ang House quad comm sa paglutas sa pagpaslang sa kanilang mistah

107 Views

NAGPASALAMAT ang mga miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Matikas” Class of 1983 sa mga lider at miyembro ng quad committee ng Kamara de Representantes matapos mahukay ng mga ito ang utak at motibo sa pagpaslang sa kanilang mistah na si dating Gen. Wesley Barayuga noong Hulyo 30, 2020, sa Mandaluyong City.

Sa isang pahayag ng Matikas family, na pirmado ni Ret. Air Force Col. Enrique J. Dela Cruz, pangulo ng PMA Class 1983, sinabi nito na ang patuloy na pagsisikap at masusing pagtatanong sa pagdinig ng quad comm ay nagbigay ng liwanag upang malutas at ng pag-asa na mabibigyan ng katarungan ang pagpaslang kay Barayuga, apat na taon na ang nakalipas.

“Such service and commitment to deliver justice and righteous acts as you do today give us confidence that our nation is indeed represented by wise, courageous and honorable men. It may not bring our dear Wesley back but it is reassuring that there are people in government who are doing their best to bring the perpetrators to justice,” sabi sa sulat ni Dela Cruz.

“(And) in behalf of the family of our dear Mistah, we also convey our profound gratitude for the identification of the assailants,” dagdag pa nito.

Sinabi naman ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, overall chairman ng quad comm at chairman ng House committee on dangerous drugs, ang kanyang pasasalamat sa mga miyembro ng PMA Matikas Class of 1983 para sa kanilang tiwala at kumpiyansa sa mga mambabatas na kabilang sa quad comm panel.

“First of all, I thank the PMA Class 1983 members for their trust and confidence to the Quadcom leaders and members. On behalf of Quadcom, I would like to assure you that we would dig to the bottom of Wesley’s case and ensure that all the people who conspired in his murder are punished under all our applicable laws,” ayon pa sa kongresista mula sa Mindanao.

Sa ikapitong pagdinig ng quad comm noong Biyernes, nagbigay ng testimonya si Police Lt. Col. Santie Fuentes Mendoza, na kasalukuyang nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit, at ang kanyang sibilyang asset na si Nelson Mariano, at kapwa itinuro si dating PCSO general manager (GM) at dating Police Col. Royina Garma at Napolcom commissioner Edilberto Leonardo na nasa likod ng pagpatay kay Barayuga.

Si Barayuga, na isang abogado at PCSO Board secretary, ay pauwi mula sa kanyang tanggapan sa PCSO sa Shaw Boulevard nang barilin ng apat na beses ng isa sa dalawang gunmen na sakay ng motorsiklo sa kanto ng Calbayog at Malinaw Streets sa Brgy. Highway Hills, Mandaluyong City, bandang 4 ng hapon noong Hulyo 30, 2020. Nakaligtas naman ang kanyang driver na tinamaan ng bala sa tiyan.

Sa masusing mga tanong ng mga mambabatas, inilahad ni Mendoza ang mga detalye kung kailan at paano plinano at isinagawa ang pagpaslang kay Barayuga.

Ang pahayag ni Mendoza ay kinumpirma ng kanyang asset na si Mariano at ang reward na P300,000 ay galing umano sa PCSO.

Napunta umano kay Mendoza ang P40,000, kay Mariano ay P60,000 at ang P200,000 sa dalawang gunmen, isa sa kanila ay nakilala sa pangalang “Loloy.”

Si Barayuga ay itinalagang PCSO Board secretary noong Enero 24, 2018, kasabay ni Ret. P/Gen. Anselmo Pinili, na miyembro rin ng PMA Matikas Class of 1983, na hinirang na chairman of the board ng PCSO.

Sila ay kapwa nagsilbi kasama ang kanilang PMA classmate na si Maj. Gen. Alexander Balutan, na siya ring GM ng PCSO sa panahong iyon.

Si Balutan, na itinalagang GM ng PCSO noong Setyembre 13, 2016, ay tinanggal ni Duterte noong Marso 8, 2019, at pinalitan noong Hulyo 15, 2019, ni Garma na nagretiro sa PNP kahit mayroon pang 10 taon bago magretiro.

Nang paslangin si Barayuga, si Ret. Army Gen. Eduardo Ano, na kasapi rin ng PMA Class 1983, ang nakaupong kalihim ng Department of the Interior and Local Government at itinulak ng kanyang mga kaklase na resolbahin ang kaso.

Sa 198 na nagtapos ng PMA Class 1983, 69 ang orihinal na nakatalaga sa Philippine Army, 65 sa Philippine Constabulary, 29 sa Philippine Navy at 30 sa Philippine Air Force.

Anim sa kanila ang nag-aral sa iba’t ibang US Service Academies, habang apat sa kanila ang nagsilbing chiefs of staff ng Armed Forces of the Philippines.

Noong Oktubre 7, 2020, ang mga miyembro ng PMA Matikas Class of 1983 ay naglathala ng isang ad sa pahayagan na nag-aalok ng gantimpalang P1 milyon para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na makatutulong sa pag-aresto ng mga taong sangkot sa pagpaslang kay Barayuga.

Itinatag ng Kamara, sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez ng Leyte, ang quad comm — ang kauna-unahan sa kasaysayan ng Kamara — na binubuo ng dangerous drugs panel na pinamumunuan ni Barbers, ang human rights na pinangunahan ni Manila 6th District Rep. Benny Abante, ang public order and safety na pinamumunuan ni Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano, at ang public accounts na pinamumunuan ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez.

Ang hakbang ay ginawa upang malutas ang kaugnayan ng iligal na operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator, EJK at iligal na droga, matapos mapansin na pare-pareho ang mga taong sangkot sa kanilang mga imbestigasyong isinasagawa.