Magno PBGen. Albert Magno, PNP-EOD/K9 Group Director

PNP EOD/K-9 Group pinapurihan ni Marbil

101 Views
Marbil
PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil

Sa ika-8 anibersaryo

PINAPURIHAN kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang PNP EOD/K-9 Group sa maayos at maagap nitong pagganap sa tungkulin bilang pangunahing responders ng kapulisan sa lahat ng uri ng bomb situation sa buong bansa.

Sa ika-walong anibersayo ng unit na pinamumunuan ni Brigadier Gen. Albert G. Magno, binanggit ng hepe ng Pambansang Pulisya ang napakahalagang tungkulin na ginagampanan ng mga tauhan ng EOD/K-9 Group sa pagpapanatili ng katahimikan sa Pilipinas.

Partikular niyang pinapurihan ang mga bomb disposal experts, mga dog sniffers at handlers nila at ang mga opisyal at tauhan ng unit na kilala sa patuloy nitong pag-dedevelop ng kapabilidad at training nito upang magampanan ang kanilang pangunahing misyon.

Ang PNP EOD/K-9 Group ang pangunahing unit ng kapulisan na rumeresponde sa mga bomb hoax at iba pang mga sitwasyon kung saan may nakikita o nahuhukay na mga improvised explosive devices at mga hindi sumabog na bomba noong World War 2.

Sa ika-walo nitong anibersayo, tumanggap ng parangal sila EOD/K-9 Group Colonels Rico G. Bracamonte at Eulogio Lovello R. Fabro, Majors Genevieve B. Revocal at Edgar Regidor C. Miguel, Police Executive Master Sergeant Roderick B. Pattalitan, Senior MSgt. Romely R. Pajarillo, Patrolman Regeen B. Dolorfino, Staff Sgt. Jerelou B. Roño, Captain Jeyama P. Cariazo, Maj. Vergel DV Untalan, PEMS Dennis L. Mabborang, Corporal Kenwin C. Dumangeng, MSgt. Dindo T. Marcelino at SSgt. Jayvee S. Tuburan.

Binigyan din ng papuri ang Regional EOD and Canine Unit 3, ang Nueva Ecija Provincial EOD and Canine Unit, ang Quezon City Police District EOD at Canine Unit at ang Olongapo City EOD and Canine Unit, gayundin ang mga Explosive Detection Dog (EDD) na sina “Tiger” at ang kanyang handler na si Cpl. Nico G. Baquiran at EDD “Barry” at ang kanyang handler na si Cpl. Patrick Dem C. Ponce.

Mula noog 2023 hanggang sa kasalukuyan, ang EOD/K-9 Group ay nagsagawa na ng mga 692,000 paneling operations bilang pagganap nila sa kanilang napakahalagang tungkulin para mailigtas ang mga opisyal ng pamahalaan, ang publiko at iba-ibang pag-aari ng gobyerno at pribadong establisimyento.

Nagsagawa rin sila ng 53 post-blast investigations at mahigit 200 bomb disposal operations sa period na ito.

Itinatag noong 2016, ang unit ay pangunahing responsable sa management, deployment, utilization at development ng lahat ng EOD, K9 at CBRN o Chemical, Biological, Radiological and Nuclear Materials or Weapons na ginawa para lumikha ng malawakang pinsala at gulo sa bansa.

Sa ngayon, ang EOD/K-9 Group ay isa nang “highly-specialized unit” na may mga kagamitan para hawakan ang iba-ibang uri ng explosive-related incidents sa bansa at gumawa ng “Render Safe Procedures” at disposal operations para mapigilan ang maaaring malawak na pinsala na idudulot ng mga pagsabog sa publiko.

Ito rin ay nagsasagawa ng malawakang public lectures para mapaunawa sa publiko na ang pagbigkas o pag-share ng mga bomb jokes sa social media ay bawal sa batas at ito ay magdudulot ng pagpasok nila sa kulungan.

Ang PNP EOD/K-9 Group ay bumibisita rin sa mga junk shops sa bansa upang maturuan ang mga may-ari at empleyado nito na hindi sila dapat tumanggap ng mga UXO o “unexploded explosive ordnances” na madalas na nilalagare dahil sa bakal nito.

Marami ng kaso ang naitala kung saan may mga namatay o lubos na napinsala dahil sa mga nilagareng UXOs na biglang sumabog.

Ang PNP EOD/K-9 Group ay nakakakuha ng malaking tulong sa United States Embassy Diplomatic Security/Anti-Terrorism Assistance and Defense Threat Reduction Agency.

Dahil sa mga hoax bomb threats na pinakalat sa bansa sa pagsisimula ng taon na nagdulot ng pansamantalang pagsasara ng mga trabaho sa gobyerno at klase sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan, ang unit ay lalong nagsisikap para higit na mapaunlad ang kanilag operational at training capabilities.

Lumalabas na ang mga bomb threats noong nakaraang Pebrero 12 ay konektado sa mga nakaraang bomb threats na nag-disrupt ng office work at klase sa bansa noong Septyembre, Oktubre at Disyembre ng 2023.

Lumabas sa imbestigasyon na ang mga bomb threats na ito ay na-trace sa iisang email sender na kinilalang si Takahiro Karasawa na sinasabing isang abogadong Hapones.

Ang PNP ay humingi ng tulong sa Japanese Embassy upang maimbestigahan ang mga naturang bomb hoax na ayon sa batas ay may kaukulang parusa na limang taon sa kulungan at P40,000 na penalty.

Sa ngayon, ang modernong PNP EOD/K-9 Group building sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City, ay kasalukuyang ginagawa.

Noong groundbreaking ceremonies para sa naturang gusali, tumanggap din ang EOD/K-9 Group ng anim pang EOD Robots mula sa mga opisyal ng US Embassy na pinamunuan ni Senior Regional Security Officer Vincent Cooper na nag-representa kay Ambassador MaryKay Carlson.

Ang embahada ng Estados Unidos ay nagbigay ng anim na advanced Bomb Removal Automated Vehicle or BRAVE robots sa EOD/K-9 Group bilang bahagi ng kanilang Anti-Terrorism Assistance (ATA) program para malabanan ng PNP ang terorismo sa bansa.

Ang PNP ay main beneficiary ng US Embassy Bureau of Diplomatic Security at ang kanilang ATA program upang higit na maarmasan ang kapulisan ng high-tech equipment at anti-terrorism training para lalo pang mapaunlad ang kapabilidad ng organisasyon sa pagsupil sa mga plano ng mga terorista sa buong kapuluan.

Noon Marso 1, 2023, pinangunahan din ni Ambassador Carlson ang turnover ng US-donated explosive disposal equipment na nagkakahalaga ng P182.3 milyon o humigit kumulang na US$3.3 milyon sa EOD/K-9 Group.

Sa kasalukuyan, 24 sa 58 na EOD/K9 Mobility Assets ay nanggaling sa US Embassy na nagbigay din ng 10 Explosive Detention Dogs sa unit.

Ang EOD/K-9 Group ay may 441 Police Service Dogs sa kasalukuyan na naka-assisgn sa iba-ibang Regional EOD at Canine Units.

Ang US Embassy ay nakapagbigay na rin ng mga special tools at equipment kabilang na ang 61 EOD bomb suits sa naturang unit para maproteksiyunan ang buhay ng mga EOD/K-9 technicians na rumeresponde sa mga bomb threats at iba pang bomb situations sa bansa.

“These are all critical assets in our operations and at the same time provide our technicians with the essential protection,” sinabi ni Magno.