PNP Source: Screen grab mula PNP video

PNP: Halalan payapa, ligtas, walang insidente

Alfred Dalizon May 13, 2025
13 Views

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang mapayapa, tapat at maayos na halalan, inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) na naging payapa ang halalan at walang naiulat na anumang malaking insidente.

Ang PNP, sa mahigpit na koordinasyon sa Commission on Elections at mga katuwang ang iba pang mga ahensya, atagumpay na naisakatuparan ang mandato nito na bantayan at pangalagaan ang boses ng mamamayan.

Wala ding naitalang failure or suspension of elections dahil sa pagpapatupad ng batas ng kapulisan.

Pinuri ni PNP chief General Rommel Francisco Marbil ang lahat ng yunit ng pulisya at mga katuwang na ahensya sa kanilang dedikasyon at disiplina sa pagtupad ng tungkulin sa halalan.

“Matatag kaming tumindig at sumunod sa direktiba ng ating Pangulo. Karapat-dapat lamang na ang sambayanang Pilipino makaranas ng isang mapayapa at tapat na halalan.

Hindi namin hinayaang may anumang puwersang manggulo o sumira sa ginanap na botohan,” ayon sa hepe ng pambansang pulisya.

May ilang naiulat na minor technical at logistical issues gaya ng pagkasira ng Automated Counting Machines (ACMs), pagkaantala ng pagbubukas ng mga presinto at hirap sa paghanap ng pangalan ng mga botante sa listahan, ngunit agad naman itong naaksyunan ng mga kinauukulan, ayon sa PNP chief.

Wala sa mga insidenteng ito ang nagdulot ng banta sa seguridad o nakaapekto sa maayos na daloy ng halalan, dagdag pa niya.

Sa kabuuan, 205,136 na mga government personnel ang ipinakalat sa buong bansa, kabilang ang 163,621 na mula sa PNP, 3,698 na itinalaga bilang Special Electoral Board members, at 37,817 augmentation forces mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection at iba pang partner agencies.

“Ang tagumpay na ito hindi lamang tungkol sa pagpapanatili ng kapayapaan ngayong araw — ito ay tungkol sa pagtatanggol sa karapatan ng bawat Pilipino na pumili ng kanilang mga lider nang malaya at walang takot.

Mananatili tayong alerto hanggang sa ang huling boto ay mabilang at ang tunay na kalooban ng mamamayan ay ganap na igalang,” dagdag pa ni Gen. Marbil.

Nananatiling naka-full alert ang PNP habang nagpapatuloy ang canvassing at proklamasyon ng mga nanalong kandidato.

Hinihikayat ang publiko na iulat agad sa mga opisyal na hotline at communication platforms ng PNP ang anumang kahina-hinalang aktibidad matapos ang halalan, ayon kay PNP Public Information Office chief Colonel Randulf T. Tuaño.