Calendar

PNP: Mapaya, maayos na halalan sa Nueva Ecija mission accomplished
LUNGSOD NG CABANATUAN – Idineklara ng Nueva Ecija police provincial office na “mission accomplished” sila dahil naitala sa lalawigan ang zero election-related violent or untoward incidents sa pagsasagawa ng May 12, 2025 midterms polls sa lalawigan.
“Ang tagumpay ng mapayapa at maayos na halalan sa Nueva Ecija na walang malalaking insidente o kaswalti ay bunga ng walong buwang masinsinang paghahanda na personal kong pinangunahan bilang Nueva Ecija top cop,” ani Col. Ferdinand D. Germino.
Pinasalamatan din ni Germino ang lahat ng kanyang tauhan kabilang ang 25 pulis na naka-deploy sa Mindanao bilang mga miyembro ng Special Electoral Board para sa kanilang dedikasyon at propesyonalismo sa ginanap na botohan noong nakaraang Lunes.
Sinabi niya: “Sa pamamagitan ng strategic planning, security coordination, dialogue, conflict mediation, at epektibong deployment ng resources, nakamit ng probinsya ang isang kapaligirang naangkop at ganap na nagresulta na maidaos ang pinaka-mapayapang halalan sa kasaysayan ng Nueva Ecija.”
Nagbigay pugay-din si Germino sa kanilang mahalagang tulong sa Commission on Elections, Armed Forces of the Philippines, Department of Education, sa mga religious groups, volunteers, sa mga kandidato at higit sa lahat sa komunidad, na ang pagkakaisa at pagbabantay ay naging posible sa tagumpay na ito para sa demokrasya.
“Sama-sama, naihatid namin ang isang ligtas, secure, at makasaysayang NLE 2025,” dagdag ni Germino.