Taguig City Rep. Pammy Zamora Taguig City Rep. Pammy Zamora

PNP may obligasyong makipagtulungan sa pag-aresto sa mga kapwa akusado ni dating Pangulong Duterte – Rep. Zamora

17 Views

IGINIIT ni House Assistant Majority Leader Pammy Zamora ng Taguig City na may legal na obligasyon ang Philippine National Police (PNP) na makipagtulungan sa Interpol, kung maglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa mga kapwa akusado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang na si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

“This is an opportunity for those accused, including Sen. Bato Dela Rosa, to have their day in court. Sa halip na ituring ito bilang paniniil, dapat nilang gamitin ito bilang pagkakataon upang ipagtanggol ang kanilang sarili at linisin ang kanilang pangalan,” ani Zamora.

Binigyang-diin ng lady solon na nananatiling epektibo ang mga pandaigdigang legal na obligasyon ng Pilipinas kahit pa umalis na ang bansa sa Rome Statute noong 2019.

“Hindi naman optional ang ating pakikipagtulungan sa Interpol. Ito ay isang obligasyong legal na patuloy nating sinusunod. It is our obligation to the international community and our adherence to the rule of law,” ayon pa sa mambabatas.

Pinabulaanan din ni Zamora ang argumento na ang pagtulong sa pagpapatupad ng warrant mula sa ICC ay nangangahulugan ng pagsuko ng soberanya ng Pilipinas.

“Cooperating with an international tribunal does not mean we are surrendering our sovereignty. In fact, it is an assertion of our commitment to justice and the rule of law,” paliwanag ng kongresista.

Hinimok niya ang PNP at iba pang law enforcement agencies na gampanan ang kanilang tungkulin nang walang kinikilingan o panghihimasok sa pulitika.

“Ang ating mga alagad ng batas ay may sinumpaang tungkulin na ipatupad ang batas nang walang kinikilingan. Huwag nating gawing pulitikal ang usaping ito—ito ay tungkol sa hustisya, hindi sa partido o pagkakaibigan,” dagdag pa nito.

Nagbabala rin siya laban sa anumang pagtatangka na gawing isyu sa pulitika ang proseso sa ICC upang pagtakpan ang pananagutan ng mga akusado.

“Katulad nga ng sinabi ko dati, pumatay ka kaya dapat kang managot. Huwag sana gawing pulitika ang isang malinaw na krimen,” giit nito.

Ipinaalala rin ni Zamora na nananatiling may hurisdiksyon ang ICC sa mga krimeng isinampa bago pa umatras ang Pilipinas sa kasunduan.

“Huwag nating kalimutan na ang ICC ay may jurisdiction sa mga kasong isinampa bago pa man tayo umatras sa Rome Statute. Ang batas ay hindi basta nawawala dahil lamang sa isang unilateral na desisyon,” ani Zamora.

Dagdag pa niya, ang pagiging bahagi ng Pilipinas sa Interpol ay nangangahulugan ng patuloy na pagsunod sa mga mekanismong legal sa pandaigdigang antas.

“Ang ating pagiging bahagi ng Interpol ay may kaakibat na responsibilidad na hindi natin maaaring talikuran,” sabi niya.

Nanawagan din si Zamora sa mga kaalyado ni Duterte na huwag gamitin ang pulitika upang iwasan ang legal na pagsisiyasat, bagkus ay igalang ang due process.

“Hindi ito panggigipit, pagsunod ito sa batas. Ang ICC ay isang legal na institusyon, hindi isang plataporma para sa pulitika. Let the evidence speak for itself,” diin niya.

“Walang sinuman ang dapat ituring na higit sa batas. Ang tamang landas ay hayaan ang korte na magpasya base sa ebidensya, hindi sa ingay ng pulitika,” dagdag ni Zamora.