Pondo ng bayan, oras nasasayang sa PDEA leaks probe– solons

92 Views

UMAPELA ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na itigil na ang ginagawang imbestigasyon ng Senado sa umano’y “PDEA leaks” dahil pagsasayang lamang ito ng oras at pondo ng bayan.

Sa isang pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na dapat na isaalang-alang kung ano ang tinatahak na direksyon at benepisyo ng umano’y na-leak na dokumento ng PDEA na nagsasangkot kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa paggamit ng ilegal na droga, lalo na at pondo ng bayan ang ginagastos sa pagdinig.

“Senate hearings, congressional hearings are actually paid by taxpayers’ money. Kaya kapag may mga imbestigasyon ang importante ditong masagot ay saan ba ito patutungo? Ano ba ang magiging benepisyo ng taong bayan? Ano ba ‘yung mga batas na kailangang gawin o mga batas na kailangang baguhin para matugunan at hindi maulit ‘yung mga problemang nakikita?” paliwanag ni Garin.

Dagdag pa ni Garin, “Apparently in the Senate investigation on PDEA leaks, what we are seeing is a confused narrative. Kasi nga nagtuturuan na ‘ay hindi nagsisinungaling ‘yan.’ ‘Ay, hindi palaging story-telling liar.’ May mga ganung accusations.”

Hinimok ni Garin ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, na balikan at muling suriin ang mga hawak nitong ebidensya.

“Now, where will this bring us? I believe the best thing that can be done as a legislator is for the committee to go back maybe 3 or 4 steps backward, gather all the evidence, decipher whether totoo ba ‘yan o hindi,” ayon pa sa kongresista mula sa Iloilo, kasabay na rin ng babala sa labis na pagtitiwala sa umano’y whistleblower na hindi dumaan sa masusing pagsusuri.

Sinabi ni Garin na dapat ay pangalagaan ang kapakanan ng publiko, na maaaring magdulot ng kalituhan at magresulta ng kawalang katatagan ng bansa.

“At the end of the day, it’s actually really ruining our country. It’s okay to do investigations pero dapat iyong mga impormasyon na inilalatag ay totoo, nakitaan ng ebidensiya at talagang may direksyon because at the end of the day you are wasting taxpayers’ money,” ayon sa mambabatas.

Pinaalalahanan din ni Garin si Dela Rosa na maging maingat sa imbestigasyon lalo’t kilalang mga tao ang isinasangkot na nakakakuha ng interes ng publiko.

“It’s a very prestigious body, the Senate, so with due respect to Senator Bato na talagang nirerespeto naman natin, we cannot use the four corners of Senate and being a legislator to just put anything under the sun,” ayon pa lady solon.

Paalala pa ni Garin ang responsibilidad na kaakibat ng legislative power, na kapag pinanatili ang imbestigasyon nang walang pagsasaalang-alang sa mga itinakdang pamantayan ay magdudulot ng hindi magandang halimbawa.

“With power comes responsibility. It’s not because it’s a President, meron mga artista na pinapangalanan, it’s not the point eh. The point is if this will not stop, this can be a precedent where anybody can be damaged,” dagdag pa ni Garin.

Sinabi naman ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores, na kinakailangan ang higit na pag-iingat upang hindi makapinsala ng reputasyon ng mga inaakusahan ang mga walang basehang alegasyon.

Inihalimbawa rin ni Flores ang mga indibidwal na gumagawa ng kasinungalingan para lamang magpapansin, kaya mayroong mga manonood na nagsasabi na nagmumukhang ‘circus’ ang pagdinig ng komite.

Nang tanungin naman kaugnay sa direksyon at layunin ng imbestigasyon, iginiit ni Flores na dapat iwasan ang circus-like atmosphere, at tiyakin na ang pagdinig ay nagsisilbi sa isang makabuluhang layunin.

“Tama iyong sinabi ni Congresswoman Garin, ano ang direksiyon? What do you want to achieve? Now, if you’re running a circus, you will naturally invite the clowns in,” ayon kay Flores.

Dagdag pa ng mambabatas, “So that is what we want to avoid, di ba? Sayang nga e, hindi mo na kasi mabawi ‘yung damage that you will do to the person once you testify this or that and it’s based pala on some unnamed informant.”

Binigyang-diin pa ni Flores na kailangan na maging maingat sa pagpili ng mga testigo, at paghimok sa komite na iwasang mag-imbita ng mga indibidwal na may hindi kapani-paniwalang impormasyon at ang pagsasagawa ng beripikasyon sa sinasabi ng mga humaharap sa pagdinig.

Sa panig naman ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman, ipinaalala nito kay Dela Rosa na mag-ingat sa pagsasagawa ng imbestigasyon.

“We recognize the independence of the legislative branch of government. We are co-equal with the executive. We do not question the prerogative of the Senate if they want to conduct an investigative inquiry. But let us be reminded that this act, this investigation has a sole purpose of trying to improve legislation,” ayon kay Roman.

Kinuwestyon din ni Roman ang tunay na intensyon ng ginagawang pagdinig, lalo na kung ito ay naganap sa nakalipas na administrasyon.

“When I view things how they are conducting this inquiry and I look back at the past administration, I can’t help but wonder what is the real intent of Sen. Bato dela Rosa. I would like to think that he would like to improve the legislation, but I’ve also asked myself, you know, it’s inevitable on the mind of everyone kung itong imbestigasyon na ito ay nangyayari sa nakaraang administrasyon.

Ano kaya kaya ang nangyayari ngayon, ano? Parang merong kakulangan ng paggalang sa pagkatao ng ating Pangulo.”

Hinimok din ni Roman si Dela Rosa na ibaling ang kaniyang pagsisikap sa mas mahahalagang usapin. “So nananawagan ako sa aking kaibigan Sen. Bato dela Rosa maybe you should focus your energy on more productive matters that really concern our citizens in the country,” ayon pa sa mambabatas.

“Katulad nga mamayan siguro mapapag-usapan din natin yung ating Rice Tarrification Law, ‘yung Anti-Discrimination Bill based on sexual orientation identity and expressions. So many, many other legislative measures that are more pressing and more urgent. So para sa akin it’s a waste of time, really,” ayon pa kay Roman.