Rice

Presyo ng bigas unti-unting bumababa dahil sa Kadiwa ng Pangulo

Chona Yu Dec 27, 2024
12 Views

UNTI-UNTI nang bumababa ang presyo ng bigas sa mga palengke sa Metro Manila.

Ito ay dahil sa implementasyon ng Kadiwa ng Pangulo “Rice-for-All” Program.

Ang Kadiwa ng Pangulo “Rice-for-All” program ay isang inisyatiba na inilungsad ng Department of Agriculture (DA), mga lokal na dealer, importer at mga wholesaler, na may suporta mula sa Philippine National Police (PNP).

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), tinitiyak ng programa ang maayos na distribusyon ng abot-kayang bigas na may halagang P40 kada kilo at may 25 kilo na limit bawat tao.

Iginiit naman ng DA at iba pang mga stakeholder na nakatulong ang programa na pababain ang presyo ng bigas.

Ang bigas na binebenta ng Kadiwa at mga retailer nito ay mas mura ng P3 hanggang P5 kumpara sa mga binebenta sa merkado, na nagresulta sa pagtaas ng benta ng mga rolling store sa nakaraang operasyon.

Ayon pa sa DA, kasalukuyan nang binabaan ng mga retailer sa merkado ang kanilang mga presyo upang makipagsabayan sa mababang presyo na inaalok ng mga rolling store.

Hanggang sa kasalukuyan, nakapag-distribute na ng 110 sako ng bigas sa EDSA Balintawak Market (southbound sa may Brgy. Balingasa, Quezon City); limang sako sa New Marulas Public Market (sa may Market Road, Brgy. Marulas, Valenzuela City); at 32 sako sa Malabon Central Market (sa may F. Sevilla Blvd., Brgy. Tañong, Malabon City).

Ayon sa ulat ng gobyerno, kabuuang 147 sako ng bigas ang naipamahagi.

Muling nagpatuloy ang Kadiwa ng Pangulo “Rice-for-All” program ng Biyernes, Disyembre 27, sa ikapitong araw nito, na naglalayong makarating pa sa mas maraming pampublikong pamilihan bago ang pagdiriwang ng Bagong Taon.