Calendar
PRO3 ipinamalas kahandaang tumugon sa mga sakuna
CAMP OLIVAS, City of San Fernando, Pampanga — Ipinamalas ng mga miyembro ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang kahandaang tumugon sa mga sakuna sa simultaneous showdown inspection ng PNP Disaster Response Equipment Capabilities noong Mayo 21 sa Camp Capt. Julian Olivas sa San Fernando City, Pampanga.
Ang aktibidad alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang kakayahan ng mga ahensya ng gobyerno, partikular ang Philippine National Police (PNP), sa pagtugon sa mga kalamidad at krisis, bilang bahagi ng Bagong Pilipinas program ng gobyerno.
Pinangunahan ni PNP chief Gen. Rommel Francisco D. Marbil ang inspeksyon na isinagawa nang sabay-sabay sa iba’t-ibang bahagi ng bansa upang matiyak ang kahandaan ng kapulisan sa pagtugon sa anumang uri ng emergency o kalamidad.
Pinangunahan ni PRO-3 director Brig. Gen. Jean Fajardo ang kanyang mga tauhan sa inspeksyon sa mga kagamitan at kakayahan ng mga yunit sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Kasama sa mga kagamitan na ipinakita ang mga rubber boat, life vests, medical kit, portable lighting system, kagamitan sa komunikasyon at iba pang mahahalagang bagay para sa mga operasyon sa rescue operation.
Ipinamalas din ng mga tauhan ng PRO-3 ang kanilang kaalaman at kasanayan sa disaster response protocols bilang resulta ng kanilang patuloy na pagsasanay at paghahanda.
“Ang kahandaan ng ating kapulisan hindi lamang nasusukat sa dami at kalidad ng mga kagamitan, kundi higit sa lahat, sa husay, disiplina at dedikasyon ng bawat pulis na handang tumugon sa panawagan ng serbisyo para sa bayan at habang buhay,” pahayag ni Fajardo.
Ang simultaneous nationwide inspection ay bahagi ng inisyatiba ng PNP Critical Incident Management Committee alinsunod sa temang “Sa Bagong Pilipinas, ang Gusto ng Pulis: Ligtas Ka!” na itinataguyod ni PNP chief Gen. Marbil.
Patuloy na pinalalakas ng PNP ang kanilang mga kakayahan sa paghahanda sa sakuna, katuwang ang pambansang pamahalaan, bilang bahagi ng mas malawak na layunin na protektahan ang bawat Pilipino sa oras ng panganib.