Camiguin Rep. Jurdin Jesus "JJ" Romualdo Camiguin Rep. Jurdin Jesus Romualdo

Proteksyon ng mga biktima ng krimen, aksidente, suicide sa di otorisadong media exposure itinulak sa Kamara

Mar Rodriguez Apr 30, 2024
363 Views

NAGHAIN ng panukala si Camiguin Rep. Jurdin Jesus Romualdo na naglalayong maprotektahan ang mga biktima ng krimen, aksidente, at suicide sa hindi otorisadong media exposure.

Ang House Bill 10277 ay may titulong “An Act prohibiting the unauthorized broadcast of images or vides of victims of crime or accident or of persons who have committed suicide and providing penalties for violation thereof.”

“Victims’ Privacy Protection Act” ang maikling titulo ng panukala.

“It shall be unlawful for any person to broadcast by any means, without consent of the victim or the victim’s family, the image, video, or details of a person who is a victim of any crime or accident, or of any person who has committed suicide,” sabi sa panukala.

Sinabi ni Romualdez na ang pag-usbong ng digital media ay nagresulta sa mabilis na pagkalat ng mga sensitibong sitwasyon na maaaring lumalabag sa privacy ng mga indibidwal.

Ang pagkalat ng mga sensitibong video at litrato ay nakapagdudulot din umano ng labis na stress sa pamilya ng mga biktima.

Ayon sa kongresista mula sa Camiguin, mayroong kaparehong batas sa Estados Unidos na nagbabawal sa hindi otorisadong pagkuha at pagkalat ng mga imahe ng mga taong binibigyan ng medical assistance ng mga first responder.

Ang “Cathy’s Law” ay isinabatas umano sa New Jersey matapos na ipost ng first responder sa Facebook ang litrato ng biktima ng aksidente na si Cathy Bates bago pa maipaalam sa kanyang pamilya ang nangyari.

“It seeks to balance the right to information and freedom of expression with the right to privacy, ensuring that the dignity of victims and their families is preserved,” sabi ni Romualdo sa kanyang panukala.

Ipinunto ng kongresista na ang Republic Act No. 10173, o ang Data Privacy Act of 2012, ang nagtatakda ng pamantayan upang maprotektahan ang personal na impormasyon ng mga Pilipino at ang kanyang panukala ay magpapalakas sa pamantayang ito.

Pinapayagan naman ng panukala ang mga “duly franchised and authorized television and radio networks” at “duly licensed print media…in accordance with existing ethical and professional standards” na i-broadcast ang imahe, video, o detalye ng biktima.

Maaari namang gamitin ng mga social media journalists, commentators at iba pang content creator ang mga imahe matapos makahinga ng pahintulot sa biktima o pamilya nito.

Sa ilalim ng panukala ang mga lalabag ay makukulong ng tatlo hanggang pitong taon o multang P100,000 hanggang P500,000 o pareho depende sa desisyon ng korte.

Kung ang lumabag ay isang public officer, siya ay mahaharap din sa kasong administratibo.

Kung dayuhan naman, ito ay ipapa-deport matapos na pagsilbihan ang kanyang parusa o makapagbayad ng multa.

Maaari ring magsampa ang biktima o kapamilya nito na magsampa ng hiwalay na kaso laban sa lumabag.