Calendar

Proteksyon sa OFWs pinagtibay ng DMW, CHR MOA
LUMAGDA ang Department of Migrant Workers (DMW) at Commission on Human Rights (CHR) sa Memorandum of Agreement upang bumuo ng mas matibay at mas epektibong balangkas ng karapatang pantao para sa mga Pilipinong migrante at kanilang mga pamilya noong Hunyo 7.
Ang pirmahan ng MOA bahagi ng pagdiriwang ng ika-30 Migrant Workers Day at pinirmahan ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac at sinaksihan ni Undersecretary Bernard Olalia.
Samantala, sina CHR Chairperson Richard Palpal-latoc at Atty. Gemma Parojinog, director ng CHR’s Policy Linkages Office, ang lumagda sa panig ng CHR.
Nangangako ang DMW at CHR na magkakaroon ng aksyon sa mga pangunahing aspeto na makikinabang ang mga OFW, kabilang ang:
Pinalakas na kamalayan sa karapatang pantao at pagbibigay ng mas malawak na impormasyon sa mga OFW at kanilang pamilya upang sila ay maging mas kumpiyansa sa pagharap sa mga hamon sa ibang bansa.
Libreng legal na tulong at suporta sa pagsasagawa ng mga legal aid, seminar tungkol sa karapatan at pagbibigay ng psychosocial support sa pamamagitan ng legal clinic caravans, lalo na sa mga lugar na nangangailangan ng tulong.
Pag-aksyon sa mga kaso at pagtiyak ng mabilis at komprehensibong tugon sa mga kaso ng pang-aabuso, pagsasamantala o trafficking.
Pagsasagawa ng joint investigations sa paglabag ng karapatang pantao at pagtutulungan sa pagsasagawa ng fact-finding missions upang tugunan at lutasin ang mga reklamo ng pang-aabuso, kabilang ang online exploitation.
Pananaliksik at pagbuo ng patakaran at paggamit ng ebidensiyang batay sa pananaliksik upang bumuo ng mga bagong polisiya at programa na tumutugon sa pangangailangan ng mga OFW.
Mas malawak na konsultasyon sa mga stakeholders at pagbibigay ng mas matibay na boses sa mga OFW sa mga talakayan tungkol sa mga pandaigdigang obligasyon ng Pilipinas sa karapatang pantao.
Pinuri ni Secretary Cacdac ang mga ambag ng yumaong CHR Chair Chito Gascon at DMW Secretary Susan “Toots” Ople bilang pagpapatuloy ng kanilang adbokasiya sa karapatang pantao sa larangan ng migrasyon.
Binibigyang-diin ni CHR Chairperson Richard Palpal-latoc ang mahalagang papel ng kasunduang ito sa pagbibigay ng tunay na proteksyon sa mga OFW.
“Ang ating mga OFW ay nagsisilbing bayani ng ating bansa. Sila’y kumakatawan sa sakripisyo, pangarap, tapang at tibay ng loob.
Sa likod ng kanilang tapang, sakripisyo, kalungkutan, at pakikibaka, makikita natin ang kanilang lakas at kakayahan. Hindi sila sumusuko sa harap ng mga pagsubok—sila ay bumabangon at nagtatagumpay,” dagdag niya.
Sa mahigit 10 milyong Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa, pinagtitibay ng kasunduang ito ang pangako ng pamahalaan na protektahan ang mga karapatan, kaligtasan at dignidad ng mga OFW at kanilang mga pamilya.