Pulis Source: QCPD PIO

Pulis humabol sa roll call, nalubak, laglag sa motorsiklo, pisak sa bus

215 Views

NASAWI ang isang miyembro ng Quezon City Police District (QCPD). matapos malaglag sa minamanehong motorsiklo na napadaan sa lubak at nasagasaan pa ng pampasaherong bus sa Cubao, Quezon City noong Biyernes ng gabi.

Sa ulat, ang nasawing pulis ay nakatalaga sa Tactical Motorized Riding Unit (TMRU) ng Cubao Police Station (PS 7).

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-9:58 ng gabi noong Biyernes (Agosto 1), nang mangyari ang aksidente sa harap ng LVN Gardens sa kahabaan ng P. Tuazon Boulevard, Kaunlaran, Cubao, sa lungsod.

Papasok na umano ang pulis sa kanyang third shift duty mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga, subalit habang binabaybay nito ang kahabaan ng P. Tuazon Boulevard galing sa direksyon ng N. Domingo St., at patungo sa EDSA ay napadaan sa lubak ang kaniyang motosiklo.

Dahil dito nahulog ang pulis at nang akma na itong tatayo ay nagkataon namang may paparating na bus at nasagasaan ito ng kanang gulong sa harap at likuran.

Naisugod pa ang pulis ng rumespondeng ambulansya sa PNP General Hospital (PNPGH) subalit idineklara na siyang dead on arrival ng attending physician.

Ipinaaabot naman ng QCPD ang kanilang pakikiramay sa pamilyang naulila at tinitiyak sa kanila ang buong suportang pinansyal at moral sa panahong ito.

Samantala, sinampahan na ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide ang driver ng bus na nakasagasa sa pulis.