Ina

Pulis napigilan ina na may 4 na anak na magpakamatay

Alfred Dalizon Aug 30, 2025
295 Views

Ina1Ina2ALINSUNOD sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa makatao at malasakit na paglilingkod, nagpakita ng kabayanihan at malasakit ang mga tauhan ng Madalag Municipal Police Station sa Aklan nang mailigtas nila ang isang babae na nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa ilog.

Pinangunahan nina Police Master Sergeant Edmond A. Olid at Staff Sgt. Sheryl N. Santillan ang halos kalahating oras na pakikipag-usap sa babae na nakitang nakahiga sa mababaw na parte ng ilog sa Sitio Daguitan, Barangay Paningayan sa munisipalidad ng Madalag.

Nang biglang tumakbo patungo sa mas malalim na bahagi ng ilog ang babae na may apat na anak, agad na tumalon si PSSg Olid upang masiguro ang kanyang kaligtasan.

Ayon sa ulat, ang babae na residente ng Bgy. Tigbauan, Madalag na may asawa at apat na anak ay natagpuang nakahiga sa ilog at umiiyak sa matinding kawalan ng pag-asa.

Ayon sa kanyang mga kapitbahay at kamag-anak, ang mga problemang pampamilya at kahirapan ang nagtulak sa kanyang ginawa.

Pinuri ni Acting Chief ng Philippine National Police, Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga pulis ng Madalag.

“Ang ipinakitang tapang at malasakit ng ating mga pulis ay repleksyon ng tunay na puso ng serbisyo-pulisya. Hindi lamang sila tagapagpatupad ng batas, kundi mga tagapangalaga ng buhay. Ito ay pagtupad sa ating pangako sa sambayanang Pilipino, na ang PNP ay palaging magiging puwersa para sa kabutihan,’ sabi ng Hepe ng Pambansang Pulisya.