Calinisan

Pulis sinibak ng QC PLEB

Mar Rodriguez Jul 6, 2022
250 Views

SINIBAK sa serbisyo ng Quezon City People’s Law Enforcement Board (PLEB) ang isang pulis na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa gulo at humantong sa pamamaril nito sa kaniyang biktima sa Barangay Greater Lagro, QC.

Sinabi ni Atty. Rafael Calinisan na sa sampung pahinang desisyon ng QC PLEB, napatunayan na guilty si Police Senior Master Sergeant (PSMS) Chester Garchitorena sa kasong “Conduct Unbecoming of a Police Officer” at “Grave Misconduct” dahil sa umano’y pamamaril nito kay Floreso Buanfe habang ipinatutupad ang “gun ban” noong Pebrero 18, 2022.

Sinabi ni Calinisan na bukod sa ipinataw na “dismissal from service” laban kay Garchitorena kabilang din dito ang “forfeiture” o hindi na siya makakatanggap ng anumang benpisyo at disqualification sa re-employment nito sa alinmang sangay ng pamahalaan.

Nauna rito, nagharap ng reklamo ni Buenafe sa PLEB matapos silang magkaroon ng komprontasyon ni Garchitorena kasama ang kaibigan nito na nakilalang si Michael Parayno.

Base sa salaysay ng complainant, nagsimula ang gulo makaraang magmustra umano si Parayno ng “bad sign” laban kay Levee Reynoso na nakikipag-kuwentuhan sa kaniya kasama ang iba pa nilang kaibigan sa Barangay Greater Lagro.

Sa layuning mapayapa ang gulo, sinabi ni Buenafe na nilapitan umano niya si Parayno at pinaki-usapan na umalis na lamang ito habang inalalayan niya papunta sa kaniyang sasakyan.

Subalit makalipas lamang ang ilang minuto, bumalik si Parayno kasama ang ilang kaibigan kabilang na si Garchitorena at sumiklab na ang labo-labo o gulo na nakuhanan ng CCTV.

Nakita sa CCTV na mayroong dalang baril si Garchitorena na nakalagay sa loob ng isang sling bag.

Sa isinagawang “clarificatory hearing”, napatunayan at na-establisa ng PLEB na ginamit at ipinutok ni Garchitorena ang kaniyang “service firearm” laban kay Buenafe matapos itong tamaan sa kaniyang binti habang si Reynoso naman ay nagtamo ng “fracture” sa kaniyang bungo dahil sa pambubugbog ng mga kaibigan nina Garchitorena at Parayno.