Belmonte

QC magbibigay ng oportunidad para sa tagumpay ng kababaihan

Cory Martinez Mar 9, 2025
19 Views

LALO pang palalakasin ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang mga programa at inisyatiba nito para sa empowerment ng mga kababaihan at magbigay ng mga oportunidad para sa kanilang paglago at tagumpay.

Ito ang ipinangako ni Mayor Joy Belmonte kasabay ng selebrasyon ng International Women’s Day nitong Linggo at ng National Women’s Month na kung saan iniulat nito ang mga bunga ng pagsisikap ng kanyang administrasyon para sa kapakanan ng mga kababaihan.

Sa kanyang State of the Women’s Address (SOWA), sinabi ni Belmonte na napapanatili ng pamahalaang lungsod ang pagsisikap nito na gumawa ng natatanging oportunidad para sa mga kababaihan sa lahat ng sektor sa pamamagitan ng economic empowerment, edukasyon at kalusugan.

“Our women are now more financially capable and independent. Ayon sa ating online business registry, tumaas ng higit apat na libo ang bilang ng mga babaeng may negosyo sa ating lungsod kung ikukumpara noong 2021,” ani Belmonte.

“Ngayon, sa pitumpung libong negosyo sa lungsod, kwarenta porsyento (40%) ang pinamumunuan ng mga babaeng negosyante na nagbibigay ng hanapbuhay sa mahigit dalawang daang libong babaeng QCitizen,” dagdag pa ng alkalde.

Kabilang sa mga benepisaryo ng mga iba’t-ibang inisyatibang pangkabuhayan at tulong ng pamahalaang lungsod ay
ang Pangkabuhayang QC, POP QC, Tindahan ni Ate Joy, SIGA at SIGAP. Kapasin-pansin naman ang pagdami ng mga miyembro ng mga ito mula sa 11,000 noong 2023 at mahigit na ng 14,000 noong nakaraang taon.

Sa pamamagitan ng pagsisikap ng QC Public Employment Service Office, sinabi ni Belmonte na nakapagbigay na ang pamahalaang lungsod ng may 31,000 na trabaho sa mga kababaihan at kumita na para sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya.

Bilang paniniwala ni Belmonte na ang edukasyon ang siyang pangunahing panglaban sa kahirapan, palalawigin pa nito ang educational opportunities para mga kababaihang mag-aaral sa pamamagitan ng iba’t-ibang programa.

“Sa pagdami ng mga kurso sa ating Quezon City University, tumataas din ang bilang ng mga mag-aaral. Out of more than 3,000 graduates last year, 63 percent were female and now are fully equipped to join the country’s workforce,” paliwanag ni Belmonte.

“Idagdag pa natin ang mga hinuhubog nating mga babaeng mag-aaral sa mga pampublikong elementarya at sekondarya na nasa mahigit 204,000, o 48 percent ng kabuuang student population sa elementarya hanggang grade 12,” anang alkalde.

Sinabi pa ni Belmonte na mula 2019 hanggang 2024, mayroon nang mahigit sa 39,000 na iskolar mula sa senior high school hanggang post-graduate studies, ang sinuportahan ng pamahalaang lungsod na kung saan 64 porsiyento dito ay mga babae.

Binigyang-diin din ni Belmonte ang pangako ng pamahaalang lungsod na lutasin sa madaling panahon ang pangunahing dahilan sa pagkamatay ng mga kababaihan kabilang na dito ang
hypertension, pneumonia, at diabetes sa pamamagitan ng libreng medical check-ups, pagbibigay maintenance medicine, pagbibigay ng pneumococcal vaccines, at pagpromote ng nutrition education sa mga health health center.

“Bukod dito, tayo rin ang kauna-unahang lokal na pamahalaan na nagpasa ng Integrated Cancer Control Ordinance, na naglalayong ipatupad ang whole-of-society approach sa pagtugon sa lahat ng uri ng cancer,” pahayag ni Belmonte.

Pinangako din ng alkalde na paiigtingin ng pamahalaang lungsod ang programa nito laban sa mga kaso ng Violence Against Women (VAW) sa pamamagitan ng information dissemination, at promosyon promotion Helpline 122 upang eengganyo ang kababaihan na magreport kapag nakakaranas ng pang-aabuso.

Nagpahayag ng pagka-alarma ang alkalde dahil sa pagtaas ng mga kaso ng VAW mula sa 7,000 noong 2022 sa mahigit sa 10,000 noong nakaraang taon, na kung saan mahigit 4,000 dito ay dumaranas ng psychological abuse.

Sinabi pa ni Belmonte na sa kabila ng mga mahahalagang progreso ng kanilang mga programa sa pagsusulong ng mga kapakanan ng mga kababaihan, marami pang dapat gawin upang makamit ang kanilang layunin na magkaroon ng pagkapantay-pantay na pagtrato sa mga babae sa lahat ng pagkakataon.

“Ang laban para sa gender equality ay hindi lang laban ng kababaihan—ito ay laban nating lahat. Babae man o lalaki, bata man o matanda, ano man ang kulay o katayuan sa buhay. Sama-sama nating isulong ang isang lungsod kung saan ang bawat babae ay may boses, dignidad, kalayaan, at may pantay na oportunidad upang magtagumpay,” pagtatapos ng alkalde.