QCPD nabawi bus na di sinoli ng driver, konduktor sa operator

31 Views

NAREKOBER ng Quezon City Police District (QCPD) sa Rodriguez, Rizal ang pampasaherong bus na hindi na ibinalik ng driver at konduktor nito noong Hulyo 9.

Ayon sa pulisya, iniulat ng operator sa District Anti-Carnapping Unit (DACU) na hindi ibinalik ng driver na si alyas David at konduktor na si alyas Argel ang Daewoo bus (UVL-197) sa kabila ng paulit-ulit na demand.

Nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng DACU sa pangunguna ni PLt. Col. Hector Ortencio at natagpuan ang bus sa dumpsite sa Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal.

Ayon sa isang saksi, iniwan ng hindi pa nakikilalang lalaki ang sasakyan sa lugar noong at hindi na ito binalikan.

Kinumpirma ng operator na ang nabawing bus ang iniulat na nawawala.

Nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016) ang driver at konduktor.

Mananatili sa kustodiya ng DACU ang bus habang hinihintay ang beripikasyon sa Land Transportation Office at ang pagsumite ng mga dokumento ng may-ari.