Calendar
Source: Chiechie Piamonte FB post
QCPD natukoy na mga nag-ala Superman sa Commonwealth Avenue
NATUKOY na ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga motorcycle rider sa likod ng viral na “Superman Stunt” na ginawa sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong Enero 26.
Ayon kay PCOL Randy Glenn Silvio, agad na kumilos ang District Traffic Enforcement Unit (DTEU) kasama ang Land Transportation Office (LTO) upang tukuyin ang mga sangkot sa delikadong stunt na kumalat sa social media.
Natunton ng mga awtoridad ang rehistradong may-ari ng Honda Beat na may plakang 732PZU sa North Caloocan. Aminado ang may-ari na ipinahiram niya ang motorsiklo kay alias “Marites,” ina ng isang 16-anyos, at hindi umano niya alam na gagamitin ito sa mapanganib na gawain.
Sa isinagawang dayalogo, inamin ng dalawang 16-anyos, kabilang ang isang out-of-school youth, na sila ang gumawa ng “Superman Stunt” habang papunta sa birthday celebration ng kaibigan.
Dalawa pa nilang kasamang rider ang kalaunan ay natukoy rin ng pulisya.
Na-impound ang motorsiklo sa LTO Main Office at inisyuhan ng Temporary Operator’s Permit (TOP) dahil sa reckless driving. Samantala, ang isa pang motorsiklo ay hindi na narekober dahil nabaklas at naibenta na.
Naglabas ang LTO Central Office ng Show Cause Order laban sa rehistradong may-ari at sa mga sangkot, at inatasan silang humarap sa LTO ngayong Enero 30 para sa imbestigasyon at posibleng parusa.
Napag-alaman din na ang rehistradong may-ari ay dati nang sangkot sa ilang insidente ng vehicular accident.
“Hindi namin kukunsintihin ang ganitong uri ng paglabag. Delikado ito hindi lang sa mga rider kundi pati sa mga motorista at pedestrian,” mariing pahayag ni PCOL Silvio.

