Quad Comm

Quad Comm hindi matitinag sa paninirang puri ng mga trolls -Barbers

Mar Rodriguez Nov 28, 2024
52 Views

Rep Robert BINIGYANG DIIN ng Lead Chairman ng Quad Committee ng Kamara de Representantes na si Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace Barbers na sa kabila ng patuloy na panggigiba at paninirang puri na ginagawa ng mga trolls na kinakasangkapan ng mga malalaki at kilalang personalidad ay hindi parin magpapatinag ang mga miyembro ng Komite kaugnay sa isinasagawa nitong imbestigasyon.

Ito ang nilalaman ng opening statement ni Barbers sa pagpapatuloy ng ika-labing-dalawang pagdinig ng House Quad Committee na kung inaakala ng mga taong tinatamaan ng kanilang imbestigahan ay ihihinto na nila ang kanilang pagsisiyasat. Sila aniya ay nagkakamali.

Pagdidiin pa ni Barbers na ang mga taong nasasangkot sa mga isyung iniimbestigahan nila ay gumagamit ng mga trolls na pinopondohan ng mga ito. Kung saan, ang perang ibinabayad nila sa mga trolls ay mula sa illegal drug trade o drug money at illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa na pawang mga Chinese nationals ang nasa likod at nagpapatakbo ng mga nasabing illegal operations.

“Subalit nais namin kayong garantiyahan na habang kami ay pinipilit na siraan. Lalo kaming hindi titigil sa pag-ungkat ng mga bagay upang makita at maisiwalat ang buong katotohanan,” wika nito.

Hinihikayat din ng kongresista ang mga taong naging biktima ng illegal na droga na dumalo sa imbestigasyon ng Quad Committee upang makapagbigay din sila ng impormasyon at maisiwalat ang katotohanan kung sino-sino ang mga taong nasa likod para lumaganap ang illegal na droga sa bansa.

“Hinihikayat pa namin ang mga tao na nagdusa sa kalakaran ng illegal na droga na pumarito sila sa Quad Comm at isiwalat ang katotohanan kung sino-sino pa ang mga may kagagawan ng pagpapakalat ng illegal na droga sa ating bayan,” sabi pa ni Barbers.

Sabi pa ng Mindanao solon na upang malinawan ang mga isyu na sinisiyasat ng Komite kaugnay sa Extra-Judicial Killings (EJK), madugo at brutal na war-against-drugs campaign at illegal POGO operation ay makabubuting magbigay ng pahayag ang sinomang mamamayan sa pamamagitan ng kanilang testimonya sa kabila ng magiging banta sa kanilang buhay.

“Ang mga ibang kusang pumarito ay hindi boluntaryong nagbigay ng pahayag sa kabila ng mga banta sa kanilang buhay at seguridad. Sa pamamagitan ng kanilang mga testimonya ay nabigyan ng liwanag ng House Quad Comm ang maraming bagay. Kabilang dito ang pagpaslang kay General Wesley Barayuga. Ang paghinto ng mga sindikato sa Philippine Statistics Authority (PSA) na nagbibigay ng pekeng birth certificates sa mga dayuhan,” ayon kay Barbers.

To God be the Glory