Roque Mylah Roque

Quad Comm pinapaaresto misis ni Harry Roque

56 Views

Matapos na muling hindi sumipot sa pagdinig ng komite, ipinag-utos ng House quad committee ang pag-aresto sa misis ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na si Mylah Roque.

Inaprubahan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, ang overall chairman ng quad committee, ang arrest order laban kay Mylah Roque matapos na hindi ito dumating sa pagdinig ngayong Biyernes kaugnay ng iligal na mga Philippine offshore gaming operator (POGO).

Nauna ng naglabas ng arrest order ang komite laban kay Harry Roque na tumanggi na isumite ang mga dokumento kaugnay ng kanyang yaman na pinaniniwalaang lumaki dahil sa operasyon ng iligal na POGO.

Si Mylah Roque, isang dating trustee ng Pag-IBIG Fund na kumakatawan sa mga pribadong employer, ay ipinatawag sa pagdinig matapos lumabas na siya ang pumirma sa isang lease agreement kasama ang mga Chinese nationals na sangkot umano sa iligal na operasyon ng POGO.

Ang mga Chinese national ay naaresto noong Hulyo sa ari-arian sa Benguet na pagmamay-ari ng PH2, isang subsidiary ng Biancham Holdings ng pamilya ni Roque.

Sa kabila ng ilang ulit na pag-imbita, hindi dumalo si Mylah Roque kahit na isang beses, na nagpalaki sa paniwala diumano na mayroon itong kinalaman.

Bukod sa mag-asawang Roque, ipinatawag din ng quad committee ang dating executive assistant ni Harry Roque na si Alberto Rodulfo “AR” Dela Serna upang matukoy ang posibleng kaugnayan nito sa operasyon ng POGO.

Si Dela Serna at Harry Roque ay mayroong joint bank account.

Nauna rito ay hiniling ng komite kay Harry Roque na isumite ang kopya ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN, mga tax record at mga business transaction.

Kahit na sinabi noong una na susunod ito, walang isinumite si Roque at nagtago.

Iniugnay ang paglobo ng yaman ni Roque sa operasyon ng POGO.

Ang quad committee ay binubuo ng committees on dangerous drugs, public order and safety, human rights at public accounts—na nag-iimbestiga sa kaugnayan ng mga POGO sa bentahan ng iligal na droga at extrajudicial killings nang ipatupad ng Duterte administration ang war on drugs campaign nito.