Calendar
Quiboloy posibleng ipaaresto rin ng Kamara kapag hindi sumipot sa pagdinig
POSIBLE umanong gayahin ng Kamara ang ginawang aksyon ng Senado laban sa televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy kung hindi ito sisipot sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises sa Marso 12.
Sa isang press conference, sinabi nina House Deputy Majority Leader for Communications Erwin Tulfo ng ACT-CIS Partylist at Assistant Majority Leader Raul Angelo “Jill” Bongalon ng Ako Bicol Partylist na ayaw nilang pangunahan ang gagawin ng komite subalit sinabi na ang contempt at ang ipag-utos na arestuhin ay bahagi ng kapangyarihan ng komite.
“Ayaw naming pangunahan ‘yung magiging desisyon ng committee kasi usually ho ‘pag inimbitahan ka ng committee, formal invitation, ‘pag hindi ka sumipot papadalhan ka ng subpoena. ‘Pag hindi ka sumagot sa subpoena parang na-insulto po ‘yung committee, I mean ‘yung authority,” ani Tulfo.
“So ganoon din siguro mangyayari na ‘pag hindi siya sumipot, hindi niya pinansin ‘yung subpoena, then magkakaroon ho ng problema,” dagdag pa ni Tulfo.
Nauna rito, na-cite in contempt si Quiboloy sa Senado at hiniling ni Sen. Risa Hontiveros ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa kanya matapos na hindi sumipot sa pagdinig kaugnay ng mga alegasyon ng human trafficking, rape, at sexual at physical abuse.
Naniniwala naman si Bongalon na hindi mag-aatubili ang House Franchise committee na gumawa ng katulad na aksyon laban kay Quiboloy kung hindi ito sisipot sa nakatakdang pagdinig sa Marso 12 sa kabila ng subpoena na ipinadala rito.
“In my own personal understanding and personal point of view, baka ganoon din ho ang posibleng mangyari—magpapalabas din ng arrest order for Pastor Quiboloy,” ani Bongalon.
Iginiit ni Bongalon na dapat patas na ipatupad ang batas sa lahat at kung hindi magiging patas ay huwag na lamang itong ipatupad at hindi umano exemption ang pagiging lider ng religious group na Kingdom of Jesus Christ church.
“Siguro isang malaking hakbang at development po ito sa ating justice system na panagutin ang mga tao regardless of their opposition or kung siya man po ay isang religious leader or siya po ay makapangyarihan eh ang batas po eh walang sinasanto dito,” saad ni Bongalon.
“So again, this is a positive development and a personal call for Pastor Quiboloy that if really wants to explain his side, the committee, of course both from the Senate and the House of Representatives, will observe the so-called due process and we’ll give him the chance to explain his side,” pagpapatuloy nito.
Sinabi naman ni Tulfo na sa umpisa ay imbitasyon lamang ang ipinadadala ng mga komite subalit kung patuloy na hindi sisipot ay maaari itong maglabas ng subpoena na magreresulta sa pagpapalabas ng warrant of arrest kapag hindi pa rin pumunta.
Iginiit ni Tulfo ang kahalagahan na maging responsable ang isang indibidwal sa mga aksyon na gagawin nito.
Ang pagpapalabas ng warrant of arrest ay ang last resort umano ng Kamara kapag hindi pa rin pumunta si Quiboloy sa kabila ng pagpapalabas ng subpoena laban dito.
Matatandaan na naglabas ng subpoena ang House Franchise committee na pinamumunuan ni Parañaque City 2nd District Rep. Gus Tambunting matapos ang paulit-ulit na hindi nito pagdalo sa pagdinig kaugnay ng umano’y mga paglabag ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa termino ng prangkisa nito.
Si Quiboloy ang pinaniniwalaang beneficial owner ng SMNI.
Nakasaad sa subpoena na dapat dumalo si Quiboloy sa pagdinig sa Marso 12 ala-1 ng hapon. Gaganapin ito sa Conference Room Nos. 7 at 8 ng Ramon V. Mitra Building, sa Batasang Pambansa complex, Quezon City.
Ang subpoena ay pirmado nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Tambunting, at House Secretary General Reginald Velasco.