Quimbo1 Marikina City Rep. Stella Quimbo

Quimbo: 2025 budget inaasahang aprubahan ng Kamara Sept. 25

90 Views

KUNG walang magiging aberya, inaasahang pagtitibayin ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang P6.352-trilyong national budget para sa 2025 bago mag-adjourn ang sesyon ng Kongreso sa Setyembre 25.

Ito ay ayon kay Marikina City Rep. Stella Quimbo, senior vice chairperson ng House Committee on Appropriations na pinamumunuan ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.

Una na ring inihayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagtiyak na maaprubahan ang badyet bago ang unang recess ng ikatlong at huling regular na sesyon ng 19th Congress.

Tiniyak ng pinuno ng Kamara na ang panukalang badyet ay susuporta sa mga programa at proyekto na nakalinya sa Agenda for Prosperity at Bagong Pilipinas vision ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Sa panayam noong Huwebes, sinabi ni Quimbo na magsisimula ang pagtalakay ng plenaryo sa panukalang badyet sa Lunes at unang sasalang ang general principles o pinagbatayan sa pagbuo ng panukalang pondo.

Ayon kay Quimbo, magdaraos ang Kamara ng mga marathon sessions na magsisimula ng alas-10 ng umaga.

“Confident tayo na matatapos sa September 25 and yes marathon. Araw-araw mag-uumpisa na tayo [ng 10 AM] tuloy-tuloy ‘yan hanggat hindi natin matapos ang naka-schedule na agencies for that day,” saad pa ni Quimbo.

“Ang ma-expect natin would be debates but this time hindi magsasalita mismo ang mga ahensya. So ang pwede lang talaga magsalita would be the congressman and congresswomen (sponsoring the agency budget). So, debate po siya between members of the House,” dagdag pa nito.

Idinagdag pa ni Quimbo na makatutulong din ang mga opisyal ng bawat tanggapan ng pamahalaan sa mga mambabatas na magtatanggol ng kanilang panukalang pondo sa pamamagitan ng pagbibigay diin ng kahalagahan ng mga programa at proyekto.

Nauna rito ay inihayag ni Quimbo na nagdesisyon ang House Appropriations Committee na bawasan ng P1.3 bilyon ang hinihinging P2.037 bilyon ng Office of the Vice President (OVP) o gawin na lamang P733 milyon.

Ang kinaltas na pondo ay ililipat sa mga ahensya ng gobyerno na mas epektibong nakakapagpatupad ng mga programa na nagbibigay ng tulong sa mga nangangailangang Pilipino.