MPD Iniharap ni MPD Chief PBGen. Arnold Santiago ang mga naarestong suspek sa isinagawang buy-bust ng mga operatiba ng MPD-DEU sa Malate, Manila.

Quirino Ave buy-bust: Worker, seafarer laglag sa P2M shabu

Jon-jon Reyes Oct 15, 2026
48 Views

ARESTADO ang dalawang lalaki ng mga operatiba ng Manila Police District-Drug Enforcement Unit (MPD-DEU) matapos masabat sa kanila ang mahigit P2 milyong halaga ng shabu sa Quirino Avenue at A. Mabini St., Brgy. 701, Malate, Maynila noong Miyerkules.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas Rus, 48, may asawa, manggagawa, residente ng Barangay 650, Port Area, Maynila; at alyas Pepe, 38, tubong Cebu, may asawa, seafarer at naninirahan sa Arqueza St., Barangay 667, Ermita, Maynila.

Ayon kay MPD Chief PBGen. Arnold Santiago, bandang alas-7;35 ng gabi ng ikasa ng mga operatiba ng MPD-DEU sa pamumuno ni PMaj. Gil John Lobaton ang buy-bust sa tapat ng Shell gasoline station sa Quirino Avenue kanto ng A. Mabini Street, Barangay 701.

Ang kabuuang timbang ng droga na nakuha sa dalawang suspek ay nasa 400 na gramo na may halagang aabot sa P2,272,000.

Narekober din ang P500 bill, P500 boodle money, 24 na pekeng perang papel na P1,000 at isang pulang eco bag.

Ang mga suspek nahaharap sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ayon sa mga pulis.