Rehab ng Dimasalang bridge walang plano, permiso,kanselado

Edd Reyes Aug 4, 2025
315 Views

NAGLABAS ng “cease and desist order” si Mayor Isko Moreno Domagoso sa rehabilitasyon ng Dimasalang Bridge sa Sampaloc Manila na nakatakdang simulan sa Agosto 9.

Ayon sa alkalde, bukod sa walang work clearance at permits mula sa lokal na pamahalaan ang proyektong ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH), wala ring plano man lamang ang ahensiya para sa pamamahala sa daloy ng trapiko gayung hanggang Disyembre 15, 2025 pa tatagal ang rehabilitasyon.

Nagbanta ang alkalde na kung sakali at labagin ng DPWH ang inilabas niyang kautusan at ituloy pa rin ang proyekto, aatasan niya ang Department of Engineering and Public Works (DEPW) at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na kumpiskahin ang mga kagamitan ng ahensiya at i-impound ang kanilang mga sasakyan.

Nauna ng binalaan ni Mayor Isko sa kanyang inaugural speech sa unang araw ng pagbabalik niya sa puwesto, ang mga pribado at pampublikong ahensiya na may gagawing proyekto sa lungsod.

“Of course, we welcome your projects, but the manner they are delivered can be improved.

They should not be merely dumped on us, but should first be discussed with us properly,” sabi ng alkalde.

Bukod sa mga pampublikong tanggapan, binalaan din niya ang mga pribadong kontraktor na hindi siya magdadalawang-isip na i-impound ang kanilang sasakyan o kagamitan kapag iniwang nakatiwangwang lamang sa kalsada ang proyektong ginagawa.

Nauna ng inihayag ng North Manila District Engineering Office ng DPWH ang rehabilitasyon ng Dimasalang Bridge para palitan ang ilang mga istraktura.