Calendar
Reklamo vs TNVS dapat sagutin ng LTFRB — Sen. Tulfo
NANAWAGAN si Sen. Raffy Tulfo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tugunan ang mga reklamo laban sa serbisyo ng mga transportation network vehicle services (TNVS) tulad ng Grab at Angkas mula sa mga estudyante, senior citizens at persons with disabilities (PWDs).
Partikular na tinukoy ng senador ang pag-iwas isakay ng mga TNVS drivers sa mga pasaherong may karapatang tumanggap ng diskwento.
Iminungkahi niya na ang mga TNVS company dapat ang mag-shoulder ng gastos ng mga diskwento at huwag ipasa sa mga driver.
“What if we let the company (TNVS) shoulder the discounts because one of the problems that we realized upon consultation with students, PWDs and senior citizens, the discount was shouldered partly by the drivers. So for this reason, drivers are avoiding these types of passengers,” sabi ni Tulfo.
Suportado ni Atty. Teofilo E. Guadiz III, chairperson ng LTFRB, ang mungkahi ni Tulfo at nangakong maglalabas ng memorandum circular na nag-uutos sa mga TNVS company na sagutin nang buo ang mga diskwento.
Binigyang-diin din ni Tulfo ang kahalagahan ng agarang aksyon upang maresolba ang mga reklamo “Nang sa gayon hindi na mahirap mag-book at maka-council-council ang mga estudyante, PWD, citizens.”
Nang tanungin tungkol sa potensyal na regulasyon ng motorsiklo bilang taxi, nagpahayag si Tulfo ng pangakong magpatupad ng mga karagdagang seguridad upang maprotektahan ang mga pasahero, kabilang ang mga PWDs.
Dahil sa mabagal na proseso ng lehislatura, nanawagan si Tulfo para sa agarang Technical Working Group (TWG) meeting upang maisapinal ang panukalang batas.
“Kaysa mag-hearing nang mag-hearing, mag-repeat and repeat lang. Time is of the essence. Kailangan maisabatas na ito lalo’t matagal na itong nakabinbin sa Kongreso,” ani Tulfo.
Nanatili siyang positibo na maipapasa ang mga iminungkahing reporma na layuning mapabuti ang kaligtasan ng publiko at masiguro ang makatarungang praktis sa TNVS sector.
Kapag ipinatupad, inaasahang magpapabuti ang mga panukala sa accessibility ng marginalized groups tulad ng mga estudyante, senior citizens at PWDs.
“Kumikita naman ang mga TNC company. Discount should all be charged to the TNC company. But the TNC, drivers and operators will have to get their acts together to come up with a refund,” dagdag ni Tulfo.
Ang inaasahang TWG meeting magiging mahalagang hakbang upang maresolba ang mga matagal nang isyung ito at maisapinal ang panukalang batas para sa pag-apruba ng Pangulo.