Remulla kay Teves: Kilalanin, igalang ang pangingibabaw ng batas

Hector Lawas Jun 11, 2023
172 Views

HINIMOK ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang suspendidong si Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na kilalanin at igalang ang pangingibabaw ng batas.

Kasabay nito sinabi ni Remulla na ang pagkamatay nina Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa ay hindi parang video game lamang.

Ayon kay Remulla ang ginagawa ni Teves na pagtatago at hindi pag-uwi sa bansa upang harapin ang mga reklamong ibinabato sa kanya ay maituturing na paghamak o magmamaliit umano sa hustisya ng bansa.

Hindi umano dapat idinadaan sa social media ni Teves ang insidente ng pagkamatay ng maraming tao.

“We are discussing the loss of human lives here, and it is disheartening to see them being treated lightly. This is not a video game. They cannot trivialize the situation and make jokes. Mr. Teves has shown a lack of respect for the law, and this is evident to all,” ani Remulla sa magkahalong Ingles at Filipino.

Kahit expired na ang travel authority na ibinigay sa kanya ng Kamara de Representantes, tumanggi si Teves na umuwi sa bansa. Nagpahayag din ito ng kawalan ng tiwala na kaya siyang proteksyunan ng mga sundalo at pulis kahit pa ginarantiyahan na ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Naghain si Teves ng aplikasyon para sa asylum sa Timor-Leste subalit nabasura ito.

Muling sinuspendi ng Kamara de Representantes si Teves dahil sa patuloy nitong hindi pag-uwi. Inalisan din ito ng membership sa mga komite.