Garin

Rep. Garin kinilala, inendorso Food Stamp Program ng PBBM admin

109 Views

KINILALA at inendorso ni House Deputy Majority Leader Janette Garin nitong Martes ang pagpapatupad ng Food Stamp Program (FSP) ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos “Bongbong” Marcos Jr. dahil sinisigurado nito na ang bawat mahihirap na pamilya ay may maihahain sa kanilang lamesa.

“The good thing is nasimulan ang programang ito under the PBBM administration kasi sa napakatagal na na hinaing na magkaroon ng food stamp program ngayon lang ito naipatupad,” sinabi ni Garin sa isang press conference sa House of Representatives.

Sinabi rin ng mambabatas na hindi lamang nito maiibsan ang kalagayan ng mga pamilyang Pilipino kundi makakatulong din ito sa mga magsasaka at Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) dahil ang ibibigay na tulong ay maaari lamang gamitin pambili sa mga accredited retailer.

Layon ng programa na bawasan ang pagkagutom na nararanasan ng mga low-income household sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa pamamagitan ng Electronic Benefit Transfer (EBT) card na magagamit sa pagbili ng mga pangangailangan mula sa mga piling merchant.

Samantala, sinabi ng Iloilo First District Representative na maaaring hindi pa ito sapat sa kasalukuyang panahon ngunit posibleng tumaas ito na magbibigay ng mas malaking tulong sa mga pamilyang Pilipino.

“It might not be enough but its a good start, but then it is not the only program. Later on, pwedeng tumaas ‘yang [ipamimigay ng gobyerno],” aniya ni Garin.

“In other words, it is just one component of the whole big buy of public services. Kung titingnan natin, magkakaroon ng oportunidad na pang hanapbuhay, magkakaroon ng mas maraming tulong.”

Ganap na ipatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nasabing programa simula ngayong Hulyo, anim na buwan matapos ang matagumpay na pilot implementation nito sa ilang bahagi ng bansa.

Nauna rito, nilagdaan ni Marcos ang Executive Order No. 44, na nagtatag ng flagship program ng DSWD—Walang Gutom 2027: Food Stamp Program.

“Ang daming programa [na] pinagsasabay-sabay pero isa lang ang layunin, ang mabigyan ng mas magaang na buhay ang bawat pamilyang Pilipino dahil bawat buhay ay mahalaga at bawat bahay ay dapat may pagkain,” sinabi ni Garin.