Calendar
Rep. Ortega sa mga botante: Kandidatong pro-China wag iboto
HINIMOK ni House Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V ang mga Pilipino na huwag iboto ang mga kandidato na maka-China sa nalalapit na 2025 midterm elections, sa gitna ng tumitinding agresyon ng Beijing sa West Philippine Sea.
Ang panawagan ni Ortega ay kasunod na rin ng mga ulat na isang barko ng China ang gumamit ng sonic device laban sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) malapit sa Zambales.
Ang nasabing aparato, na naglalabas ng nakabibinging ingay, ay nagdulot ng seryosong banta sa kalusugan at kaligtasan ng mga Pilipino.
Tinawag din ni Ortega ang insidente bilang isang mapangahas na hakbang at nagbabala na ang patuloy na pagpapabaya sa mga kilos ng China ay maaaring magdulot ng panganib sa soberanya ng bansa.
“This is no longer just about the West Philippine Sea—it’s about our future as a nation,” sabi ni Ortega. “Supporting candidates who are soft on China is the same as endorsing the harassment of our Coast Guard and the exploitation of our natural resources.”
Ang sonic attack, na kauna-unahang insidente sa mga katubigan ng Pilipinas, ay nagbabadya ng isang mapanganib at higit pang paglala ng mga agresibong hakbang ng China.
Patuloy na pinapalakas ng Beijing ang presensya nito sa pinag-aagawang teritoryo, gamit ang mga militia vessel, mga water cannon, at ngayon ay mga acoustic weapons upang takutin ang puwersa ng Pilipinas at mga mangingisda.
“Bawat Pilipino ay dapat magtanong: pahihintulutan ba natin na kontrolin ng China ang ating mga desisyon? O pipiliin natin ang mga lider na ipaglalaban ang ating soberanya at hindi magpapadala sa mga dayuhang mananakot?” ayon kay Ortega.
Binigyang-diin niya na ang patuloy na pananakot ng China ay hindi lamang usapin sa teritoryo, kundi isa ring isyung pang-ekonomiya.
“This is about oil, gas, and fish that belong to Filipinos. Electing leaders who sell out our patrimony for political gain is a betrayal of our nation,” giit pa ni Ortega.
“Ang ating soberanya ay hindi ipinagbibili. Kung may mga kandidatong handang sumanib sa interes ng China, wala silang karapatang tumakbo sa anumang posisyon dito sa Pilipinas,” dagdag pa ng kongresista.
Dahil dito, hinimok ni Ortega ang mga botante na gamitin ang kanilang balota bilang sandata upang ipagtanggol ang bansa laban sa panghihimasok ng mga dayuhan.
“A vote for pro-China candidates is a vote against the heroes who fought for our independence, the fishermen fighting for their livelihood, and the Coast Guard risking their lives to protect our seas,” saad pa ng mambabatas.
Sinabi pa ni Ortega sa mamamayan na ang demokrasya ay namamayani kung mayroong pananagutan.
“We must elect leaders who put the Philippines first—leaders who champion our flag in every forum and stand shoulder-to-shoulder with our people in adversity,” diin pa ni Ortega.