Calendar
Rep. Zaldy Co pinagbunyi 1.9% inflation rate
PINURI ni House appropriations committee chairman Zaldy Co ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa mga hakbang na ginawa nito upang mapabagal ang inflation rate.
Ang inflation ay bumaba sa 1.9 porsiyento noong Setyembre 2024 mula sa 3.3 porsiyento noong Agosto at 6.1 porsiyento noong Setyembre 2023, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ito ang pinakamababang inflation rate sa nakalipas na apat na taon at ito’y bunsod ng mas mababang presyo ng pagkain, non-alcoholic beverages at transportasyon.
Iniugnay ni National Statistician Dennis Mapa ang pagbaba sa mas mababang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng gulay, produktong petrolyo at isda.
Kung susumahin ang inflation mula Enero hanggang Setyembre, ito’y nasa 3.4 porsiyento, pasok sa target ng gobyerno na 2 hanggang 4 porsiyento ngayong taon.
Ayon kay Co, bumaba ang presyo ng bilihin dahil sa whole-of-government approach na ipinatupad ng administrasyong Marcos gaya ng pagbawas sa taripang ipinapataw sa imported na bigas.
Sinabi ng mambabatas na ang mga short-term measures ng gobyerno ay dapat sabayan ng mga long-term strategy, partikular ang legacy project ng Pangulo upang mapalakas ang lokal na produksyon ng pagkain at maging matatag ang food security ng bansa.
“We must prioritize strengthening food security by supporting our farmers. Congress is prepared to pass necessary legislation and allocate needed funds to help our agricultural sector thrive,” sabi ni Co.
Sinuportahan din ni Co ang pahayag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na dapat mamuhunan sa mga imprastrakturang pang-agrikultura.
Iginiit ni Co ang kahalagahan na mapaganda ang sistema ng irigasyon, makapagtayo ng mga post-harvest facility, at mabigyan ang mga magsasaka ng de kalidad na binhi at modernong teknolohiya.