Zamora

Rep. Zamora: Ebidensya laban para masibak si VP Sara, hindi na muling makapanungkulan sa gobyerno

33 Views

KUMPIYANSA si San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora na matibay ang ebidensya laban sa na-impeach na si Vice President Sara Duterte upang siya ay masibak sa puwesto at hindi na muling makahawak ng posisyon sa gobyerno.

Sa isang forum na inorganisa ng University of the Philippines College of Law hinggil sa impeachment trial ni VP Duterte, binigyang-diin ni Zamora, miyembrong House prosecution panel, na tungkulin ng Kongreso na ituloy ang impeachment matapos makita ang matibay na ebidensyang natuklasan sa mga pagdinig sa Kamara de Representantes.

“Kami naman po sa Kongreso may nakita kaming ebidensya kaya po kami nagsampa ng complaint for impeachment,” pahayag ni Zamora, isang abugado, na sinabing solido ang kaso na inihain ng House prosecution team laban kay Duterte.

Dagdag pa niya, “So without going to the merits or to the evidence, it is our duty as Representatives, as members of Congress to file this impeachment complaint because we saw grounds to support the articles that we have.”

Binigyang-diin din ni Zamora ang kahalagahan ng isapubliko ang mga ebidensya upang mapatunayan na ang impeachment ay hindi pag-aaksaya lamang ng oras at pondo ng bayan.

“Gaya po ng sinabi ni Prof. De Vera, kailangan nga po natin na mailabas sa taong-bayan ‘yung ebidensya. Hindi po siya waste of time, hindi po siya waste of resources,” ani Zamora.

Ipinaliwanag din niya na kahit magbitiw sa puwesto ang isang opisyal na na-impeach, hindi ito nangangahulugang tapos na ang proseso ng impeachment. Aniya, maaaring ipagpatuloy ng Senado ang paglilitis upang matukoy kung dapat bang tuluyang i-ban ang naturang opisyal sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

“Because there is separate consequence of disqualification from holding another public office or any public office in the future. Hindi po nagtatapos sa resignation ng isang impeach or impeachable official. Puwede pong ipagpatuloy ng Senado ang trial para ho malaman natin kung dapat nga bang ma-disqualify ‘yung official from holding public office,” paliwanag niya.

Matatandaang inaprubahan ng House of Representatives ang impeachment ni Vice President Duterte noong Pebrero 5, kung saan 215 na mambabatas ang lumagda rito, mahigit doble ng kinakailangang 102 o one-third ng kabuuang bilang ng mga kongresista.

Bukod dito, 25 pang mga mambabatas ang nagpahayag ng kanilang intensyon na sumali bilang mga complainant sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang verification forms.

Kabilang sa mga kasong isinampa laban kay Duterte ay culpable violation of the Constitution, bribery, graft and corruption, at betrayal of public trust, na nakasentro sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds.

Naipasa na ang Articles of Impeachment sa.Senado, nq inatasan ng Konstitusyon na magsagawa ng paglilitis.

Samantala, patuloy na umaani ng interes mula sa publiko ang impeachment process, kung saan iba’t ibang sektor ang nananawagan para sa isang patas at transparent na paglilitis.

Ang forum na inorganisa ng UP College of Law ay nagsilbing plataporma para sa mga eksperto sa batas upang talakayin ang constitutional at legal na epekto ng impeachment process, at magbigay ng kamalayan sa publiko ukol sa usaping ito.