Magsino

Repatriation drive ng gobyerno ni PBBM para sa 700 OFW’s sa Sudan suportado ng OFW Party List Group sa Kamara

Mar Rodriguez Apr 25, 2023
311 Views

SUPORTADO ng One Filipinos Worldwide (OFW) Party List Group sa Kamara de Representantes ang ikakasang “repatriation drive” ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para sa tinatayang 700 Overseas Filipino Workers (OFW’s) na nagta-trabaho sa Sudan.

Hinihikayat din ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino si Pangulong Marcos, Jr. na mag-explore o bumalangkas ng iba pang alternatibo para ligtas na maiuwi ng Pilipinas ang mga Pilipinong manggagawa sa Sudan na posibleng maipit ng digmaan.

Binigyang diin ni Magsino na kitang-kita sa mga kasalukuyang kaganapan sa Sudan ang mahigpit na pangangailangan o “urgency” na mailikas sa lalong madaling panahon ang mga OFWs na maaaring madamay sa tumitinding tensiyon sa nasabing bansa partikular na sa bayan ng Khartoum.

Sinabi din ng kongresista na dapat magbalangkas din ng “action plan” ang Department of Foreign Affairs (DFA) para sa mga OFWs sa Sudan para sa pagbibigay ng pagkain, inumin at iba pang pangangailangan nila habang hindi nare-resolba ang pagpapabalik sa kanila dito sa bansa.

“We cannot stress enough the urgency of the situation as the fatal clashes in Khatoum continues to endanger the lives of our kababayans. The fierce fighting on the ground also necessitates an action plan for the provision of foods and other basic needs of Filipinos in Sudan,” ayon kay Magsino.

Tiniyak ni Magsino sa pamilya at kamag-anak ng mga Pilipinong manggagawa sa Sudan na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng OFW Party List Group sa DFA at Department of Migrant Workers (DMW) para sa koordinasyon at pagtulong sa mga OFW’s na apektado ng kaguluhan.

“Sa ating mga OFWs sa Sudan pati sa kanilang mga pamilya at kamag-anak. Patuloy ang ugnayan ng OFW Party List sa DFA at DMW para sa koordinasyon sa pagtulong sa mga apektadong kababayan. Ang OFW Party List ay nagsisikap na matulungan ang ating mga kababayan na apektado ng kaguluhan sa Sudan,” sabi pa ni Magsino.