Calendar

Repatriation ng mga Pinoy na naging biktima ng human trafficking sa Myanmar ikinagalak ni Magsino
IKINAGAGALAK ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang napabalitang pag-uwi ng unang batch ng mga Pilipinong naging biktima ng human trafficking mula sa Myanmar.
Sabi ni Magsino na ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), inaasahang makakauwi na ng Pilipinas sa lalong madaling panahon ang tinatayang nasa 187 na Pilipinong biktima ng human trafficking na resulta ng ginawang pagsisikap ng pamahalaan.
Nabatid kay Magsino na ang pagbabalik Pilipinas o repatriation ng 187 na mga Pilipino mula sa Myanmar ay resulta din ng kaniyang pagsusumikap na matulungan silang makabalik ng bansa.
Dagdag pa ng kongresista na malaking papel din ang ginampanan ng gobyerno sa pakikipag-tulungan ng DFA, Department of Migrant Workers (DMW), Bureau of Immigration (BI) at mga awtoridad sa Myanmar at Thailand upang makabalik sila ng Pilipinas.
Ayon pa kay Magsino, ang kanilang pagbabalik sa bansa ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagbibigay ng hustisya at suporta para sa mga Overseas Filipino Wokers (OFWs) na naging biktima ng pang-aabuso at hindi makatarungang pagtrato sa ibang bansa.
Dahil dito, tiniyak ni Magsino na patuloy nitong isusulong sa Kamara de Representantes ang mga hakbang para labanan at tuluyang puksain ang talamak na illegal recruitment upang maprotektahan ang mga OFWs na madalas na nagiging biktima nito.
Nananawagan din ang OFW Party List Lady solon sa publiko na maging mapag-matyag at agad na iulat sa mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng DMW ang anomang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa illegal recruitment at human trafficking.
“Mahalaga ang ating pagkakaisa at kooperasyon upang tuluyang masugpo ang mga mapanlinlang na gawaing ito at maprotektahan ang karapatan ng bawat Pilipino. Nananawagan ako sa publiko na maging mapag-matyag at agad na iulat ang mga illegal recruitment,” sabi pa ni Magsino.