Richard sa DA: Mandato, function ng Philmech busisiin

Mar Rodriguez Sep 12, 2022
266 Views

HINIHILING ng isang neophyte Visayas congressman sa Department of Agriculture (DA) na kailangan nitong repasuhin at busisiing mabuti ang mandato at “function” ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech).

Binigyang diin ni Leyte 4th Dist. Cong. Richard I. Gomez na napapanahon na aniya para busisiing mabuti ng DA kung nananatili pa bang epektibo ang mandato ng PhilMech sa gitna ng nakaumang na plano ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na lalo pa nitong pagtitibayin ang sektor ng agrikultura ng bansa.

Ipinaliwanag ni Gomez na ang PhilMech ay ang dati at orihinal na National Postharvest Institute for Research and Extension (NAPHIRE) na itinatag sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 1380 bilang “subsidiary” ng dating National Grains Authority (NGA).

Sinabi pa ni Gomez na sa nakalipas na budget hearing ng Kamara de Representantes para sa 2023 budget ng DA, biglang naalala nito ang isang pangyayari kung saan tinern-over umano ng PhilMech ang isang “rice mechanization equipment” sa Ormoc City.

“When I was Mayor for Ormoc City, sa amin ninyo ibinaba lahat ng rice mechanization program equipment niyo sa PhilMech and I noticed during the time of distribution, wala po yung regional director namin and the I realized, PhilMech parang may disconnect sa regional offices,” sabi nito.

Sinabi din ng konresista na binabaha din ng reklamo ang PhilMech mula sa mga “local executives” kaugnay sa kalagayan ng mga gamit sa pagsasaka na ibinigay ng PHilMech. Dagdag pa aniya ang kawalan ng koordinasyon ng kanilang regional offices sa mga nagrereklamo.

“May mga reklamo tungkol duon sa mga farm equipment na ibinigay nila sa mga local executives at kapag pumupunta naman sila sa regional offices para mag-reklamo, wala naman coordination ang PHilMech sa kanila,” sabi pa ni Gomez.