Riders na humarang sa traffic sa Rizal imbestigahan–LTO

Jun I Legaspi Feb 6, 2025
9 Views

INIUTOS ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II sa Law Enforcement Service (LES) na imbestigahan ang kumakalat na video ng grupo ng mga riders na humarang sa daloy ng trapiko sa Rizal na ikinagalit ng mga motorista at netizens.

Ayon kay Asec Mendoza, nais niyang linawin kung ang motorcade may pahintulot mula sa alinmang local government unit (LGU) lalo na’t nagresulta ito sa pagsisikip ng trapiko na nakaapekto sa libu-libong tao.

“Natukoy na natin ang grupong sangkot sa insidenteng ito, at nais nating ipaliwanag nila kung bakit hindi sila dapat mapatawan ng parusa sa pagharang sa daloy ng trapiko,” ani Asec Mendoza.

Sa kumakalat na video, makikitang may ilang riders na umaktong tila mga awtoridad at hinarangan ang ibang motorista upang bigyang-daan ang mga kasamahan nilang riders sa isang intersection sa Cainta, Rizal.

Iniulat na nagbigay na ng paumanhin ang Chief Executive Officer ng Angkas kaugnay ng insidente, ngunit nais pa rin ni Asec Mendoza na ituloy ang imbestigasyon upang matiyak na hindi na ito mauulit sa hinaharap.

Nais din ng opisyal matukoy ang mga rider na sadyang humarang sa kalsada upang mahingan sila ng hiwalay na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng parusa sa pagpapanggap na tila awtorisadong kinatawan ng gobyerno na may kapangyarihang mamahala sa daloy ng trapiko.

Malinaw na paglabag sa batas-trapiko ang ipinakita ng mga riders at nagpapakita rin ito ng pang-aabuso, kawalan ng disiplina, at kakulangan sa respeto sa ibang motorista, ayon kay Mendoza.

“Hindi puwede na parang may kanya-kanya tayong gobyerno na gagawin natin kung ano ang gusto natin kahit makaperwisyo sa ibang motorista at commuters,” ayon kay Asec Mendoza.