Calendar
Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon
Ridon: Kamara makikipag-coordinate sa korte, BJMP upang masiguro kaligtasan ni Madriaga

MAKIKIPAG-UGNAYAN ang Kamara de Representantes sa korte at sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang matiyak ang seguridad at posibleng pagdalo ng detained witness na si Ramil Madriaga sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, chair ng Committee on public accounts at miyembro ng Committee on justice ng House of Representatives, nasa hurisdiksiyon ng korte si Madriaga at, kasama ng BJMP facility sa Taguig kung saan ito naka-detain, ang responsibilidad sa kanyang seguridad.
“I think Congress will have to coordinate with the court and the BJMP para ma-secure po ’yung safety ni Mr. Madriaga na kapag ho invited to the House he can actually, in fact, attend the proceedings,” ani Ridon sa Saturday Media Forum na ginanap sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Si Madriaga, na tinukoy sa impeachment complaints bilang umano’y “bagman” ng bise presidente, ay nakakulong sa BJMP facility dahil sa nakabinbin nitong hiwalay na kasong kriminal sa hukuman.
Kasama sa mga reklamong impeachment ang kanyang sinumpaang affidavit, na itinuturing na mahalagang bagong ebidensiya.
Ayon sa mga complainant, sinasabi sa affidavit na si Madriaga umano ang naging tagapamagitan sa paghawak at paggalaw ng confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President at ng Department of Education noong si Duterte ang kalihim nito.
Ipinapakita raw dito kung paano umano na-withdraw o inilipat ang pondo, kung sinu-sino ang sangkot, at binabanggit ang mga dokumentong sinasabing sumusuporta sa alegasyong ang mga transaksyon ay ginawa nang may kaalaman o authority ng bise presidente.
Sinabi ni Ridon na ang affidavit ni Madriaga ang pinakamahalagang bagong bahagi ng kaso.
“So we will look at all of these allegations, particularly the new allegations of Ramil Madriaga with a very critical eye. Kasi very important ho na ma-thoroughly [examine] lahat po ng mga babanggitin po niya na mga alegasyon at mga nakasaad sa kanya pong affidavit,” aniya.
Gayunpaman, nilinaw ni Ridon na hindi pa maaaring ipatawag si Madriaga upang tumestigo, dahil dapat munang tukuyin ng House committee on justice kung pasado ang mga reklamo sa sufficiency in form at sufficiency in substance.
“At this point, siyempre ang kailangan po munang ma-surmount ng mga complainants and endorsers, ’yon pong determination of sufficiency in form and substance,” saad niya.
Ipinaliwanag niyang kapag pumasa sa dalawang pamantayang ito, saka pa lamang opisyal na bibigyan ng pagkakataon ang bise presidente na tumugon bago magsimula ang ganap na pagdinig.
“Magkakaroon na po ng formal proceedings and hearings po ang House committee on justice. Dito na po natin puwedeng ipatawag si Ramil Madriaga at puwede rin pong mag-request po ng additional documentation and iba pang mga papeles mula po sa iba’t ibang mga ahensiya po ng gobyerno,” sinabi ni Ridon.

