Pastor Quiboloy Pastor Apollo C. Quiboloy

Risa: Mga kondisyon ni Quiboloy di katanggap-tanggap

120 Views

HINDI katanggap-tanggap para kay Sen. Risa Hontiveros ang mga kondisyon ni Pastor Apollo Quiboloy, lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), kapalit ng pagsuko niya sa mga awtoridad.

Para kay Hontiveros, dapat maintindihan ng KOJC lider na maliit na ang mundong ginagalawan niya at oras na para siya’y sumuko.

“Sumuko ka na, Quiboloy. Wala kang karapatang magbigay ng kundisyon,” pahayag ni Hontiveros.

Kinondena rin ng senadora ang mga taktika ni Quiboloy at inakusahan ang evangelist na ginagamit ang kanyang mga tagasunod bilang “human shields” upang makaiwas sa pag-aresto.

Hinimok niya si Quiboloy na itigil na ang kanyang mga drama at bagkus dapat umano nitong harapin ang hustisya.

Iginiit ni Hontiveros na dumating na ang oras para panagutan ni Quiboloy ang kanyang mga aksyon.

Hiniling ni Quiboloy ang isang nakasulat na garantiya mula sa mga gobyerno ng Pilipinas na hindi makikialam sa kanyang kaso ang gobyerno ng Estados Unidos, kasama na ang mga ahensya tulad ng Federal Bureau of Investigation at Central Intelligence Agency.

Ibinigay ni Quiboloy ang mga kondisyon matapos maglabas ng maraming warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng mga paratang ng paglabag sa Republic Act 7610, na nagpoprotekta sa mga bata mula sa pang-aabuso at pagsasamantala na diumano’y nilabag ni Quiboloy.

Sa isang panayam sa radyo, humiling si Quiboloy na hindi siya ipa-deport sa Estados Unidos kung saan inaangkin niyang nanganganib ang kanyang buhay.

Nagbigay din ng pahayag si Sen. Ronald Dela Rosa at hinimok si Quiboloy na igalang ang batas at sumuko sa mga awtoridad.

Binabalaan siya siya ni Sen. Bato na walang sinuman ang makakatakas sa hustisya habang panahon.

Patuloy na nagtatago si Quiboloy habang may mga warrant of arrest laban sa kanya mula sa korte at Senado dahil sa contempt, matapos ang paulit-ulit niyang pagtangging humarap sa mga pagdinig ng Senado kaugnay ng mga paratang ng sekswal na pang-aabuso sa loob ng kanyang ministeryo.