Calendar
Risa muling nanawagan na ipasara mga POGO
MULING nanawagan si Sen. Risa Hontiveros para sa tuluyang pagpapasara ng mga Philippine offshore gaming operators (POGO) sa bansa kung saan ay binabalaan niya ang taumbayan sa mga mapanlinlang na taktika na ginagamit ng mga pogo operator upang maiwasan ang batas.
Sa kabila ng ipinahayag na nationwide ban, itinuro ni Hontiveros na patuloy na nagpapatakbo ang mga POGO sa pamamagitan ng “rebranding” ng kanilang mga negosyo bilang mga call center o paglilipat ng kanilang mga operasyon sa special economic zones upang makaiwas sa pagkakakilanlan at pagpapatupad ng batas na makakalito sa mga awtoridad.
Binigyang-diin niya na dapat manatiling mapagbantay ang gobyerno upang mapigilan ang mga estratehiyang ito na mag-ugat at muling mapahintulutan ang pagbabalik ng ilegal na mga operasyon ng sugal na pogo at.mga kaakibat nitong kriminalidad.
Sa isang pahayag noong Setyembre 2, binigyang-diin ni Hontiveros ang mga natuklasan mula sa mga pagdinig sa Senado, na nagpakita na ang mga POGO ay pangunahing pinatatakbo ng mga organisadong sindikatong kriminal na madalas na may kasabwat na mga opisyal ng gobyerno.
“Kaya tayo nagsusumikap sa ating mga hearing sa Senado ay upang makahanap ng mabisang solusyon para tuluyan na ngang mapasara ang mga POGO sa Pilipinas,” sabi ni Hontiveros.
Nangako siyang papanagutin ang mga opisyal na kasabwat ng mga pgo na ito na patuloy na nagtatago gamit ang ibat ibang stratehiya sa tulong ng ibang opisyales.
Binigyang-diin ni Hontiveros ang kahalagahan ng mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng mga nagpapatupad ng batas, mga ahensya ng regulasyon, at mga lokal na pamahalaan (LGU) upang matiyak ang permanenteng pagsasara ng mga operasyon ng POGO ay maisasagawa ng seryoso.
Ipinahayag din ni Hontiveros ang kanyang pagkadismaya na patuloy pa rin ang mga underground na aktibidad ng POGO sa kabila ng deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng total ban sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo.
“Patuloy ang underground operations ng mga POGO, so I am calling on our law enforcement agencies to step up para ipatupad ang total ban nito, ” ani Hontiveros
“Dapat hindi na maulit pa ang mga ganitong modus,” babala ni Hontiveros, kung saan ay nanawagan siya ng mas pinaigting na mga pagsisikap upang tuluyang ipasara ang mga POGO at alisin ang kanilang mapanlinlang na mga gawain.