Calendar
Robin iminungkahi “aerial cable cars” bilang tugon sa trapik
DAHIL sa perwisyong dulot ng trapiko na naka aapekto sa pag unlad ng bansa kung saan ay nalilimitahan nito ang galaw ng ekonomiya, inimungkahi ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang ” ropeway o aerial cable cars “bilang tugon at alternatibo sa problema ng trapiko sa Metro Manila gayundin sa iba pang urban areas sa Pilipinas.
Ayon kay Padilla, nauuso ang paggamit ng ropeway sa ibang bahagi ng mundo – at maaari itong bagay sa Pilipinas, lalo na sa Metro Manila.
“Meron pong isang nauuso ngayon na kung tawagin po nila ay ropeway. Ito po ang paggamit ng cable. Nais ko din po sana na maimungkahi po sa inyo na ito ay bagay din sa Pilipinas lalong lalo na sa Metro Manila dahil sa trapik,” ani Padilla sa kanyang manifestation.
Ayon sa blog sa World Bank, ang mga aerial cable cars ay unti-unti nang ginagamit sa malalaking siyudad bilang alternatibong paraan ng transportasyon, kabilang ang Medellin sa Colombia noong 2004.
Iginiit ni Padilla na hindi uunlad ang bansa kung ang trapik ay masama.
“Noong ako ay nasa first year ng Criminology, pinagusapan po namin ang trapik. Yan ang isa sa mga subject diyan na sinabi doon na kapag ang trapik natin ay masama, ang pag-unlad ng isang bansa ay masama din,” aniya.
“Kaya nangangahulugan kailangan natin ayusin ang trapik. At maaayos lamang yan kung may magandang transportasyon,” dagdag ng mambabatas, na sumuporta sa mungkahi ni Sen. JV Ejercito patungkol sa pagpapalakas ng ating mga tren.