Robin

Robin isinulong pagpapalakas ng kooperatiba para sa magsasaka, IPs

253 Views

KAILANGANG palakasin ang mga kooperatiba – lalo na ang mga para sa mga magsasaka at katutubo – dahil ito ang pinakapektibong paraan ng pagbigay sa kanila ng pataba (fertilizer) at ibang tulong ng pamahalaan, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Huwebes.

Ani Padilla, dapat magkaisa rito ang mga ahensya kasama ang Cooperative Development Authority (CDA), Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).

“Ito pong coordination ng DA sa pagbibigay ng fertilizer sa mga magsasaka ay dinadaan sa LGU at ito po ay madalas ginagamitan ng pulitika. Kaya akin pong minungkahi sa DA na mas mainam kung ito ay idadaan sa kooperatiba,” ayon sa mambabatas sa pagdinig ng Senado para sa budget ng CDA.

“Umaasa ako na kayo po sa CDA, sa NCIP at sa DSWD, sa DA – bigyan nyo po ng sapat na atensyon at oras itong ating katutubo na sa hanggang ngayon ay humihingi ng katarungan sa atin,” aniya.

Dagdag ni Padilla, kailangan ang kooperatiba para sa mga katutubo, lalo na ang mga inaabuso ng mang-aagaw ng lupa at hirap sa pagbenta ng kanilang tinatanim.

Ani Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Cultural Committees and Muslim Affairs, napapanahon na palakasin ang kooperatiba dahil maraming magandang plano ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa agrikultura.

Sa pagtatanong ni Padilla, sinabi ni CDA chairman Jose Encabo na may kapasidad at kakayahan ang kooperatiba para tingnan at mapabuti ang pagimplementa ng programa ng ahensyang tulad ng DA, kung saan mismong kooperatiba ang mag-identify ng benepisyaryo.

“Dahil sila ang may direktang kaalaman kung anong kapasidad ng bawa’t myembro meron sila at alam nila sitwasyon ng lupain alam nila ang sitwasyon ng pagsasaka at alam nila paano mag-engage ng negosyo sa kapwa negosyante maging traders or direct buyers man dahil sila ang may unang engagement niyan,” ayon kay Encabo.

Ayon naman kay CDA Assistant Secretary Vidal Villanueva III, may mga kooperatiba na para sa mga Aeta sa Zambales na tumatanggap ng biik sa gobyerno. May kooperatiba na rin sa ibang bahagi ng bansa tulad ng South Cotabato, Bukidnon, at Agusan del Sur.

Dagdag ni Villanueva, may kasunduan na rin sila sa NCIP para i-“cooperativize” ang mga IP, “so that the government assistance will be easily transferred to these people.”