Sen.Robin

Robin: Usaping Saligang Batas para sa kaunlaran

204 Views

PARA sa kaunlaran ng bayan, at hindi sa bangayan. Ito ang direksyon ng pagdinig sa Senado tungkol sa posibleng pagbabago sa Saligang Batas sa pamumuno ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla.

Iginiit ito ni Padilla matapos ang pangalawang pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Reforms and Revision of Codes, na kanyang pinamumunuan, nitong Biyernes ng hapon.

Ayon sa mambabatas, layon ng mga pagdinig ang mag-ipon ng kaalaman para sa dulo ay alam nila kung ano ang pangangailangan ng ating mga kababayan sa ngayon.

“Nag-iipon tayo ng kaalaman para sa dulo alam natin ano talaga ang pangangailangan ng ating kababayan sa ngayon. Hindi po kami nag-aaway-away, kung nakarinig tayo ng may tumataas ng boses, kung may may pabigla-bigla, yan dala ng emosyon dahil gusto natin ng pagbabago. Pero itong ginagawa natin ito ang kailangan,” ani Padilla.

“Kailangan natin ngayon, pagusapan natin kung paano tayo hahakbang patungo sa pagbabago. Hindi puro pangako. Gusto natin magbago … kailangan natin humakbang. Hindi pwedeng salita lang,” dagdag niya.

Ani Padilla, nais nila malaman kung ang mga hakbang na maaaring tumugon sa problema ng Pilipino tulad ng trabaho, pagbaba ng gastos sa kuryente at pagtaas ng sweldo ay may kaugnayan sa pagbabago ng ating Saligang Batas.

Dagdag niya, parehong may punto ang mga pabor sa pananatili ng 1987 Constitution at pabor sa pagbabago ng Saligang Batas tungo sa federalism, kung kaya’t walang pinapaboran ang komite dito.

Samantala, sinuspindi ni Padilla ang pagdinig ng komite, pero tiniyak niya na hindi pa tinatapos ang usapin sa Saligang Batas.

“Hindi ko po ito tinatapos sa usapin na tapos na. Hindi po,” aniya.///ps Jun M Sarmiento