Romero

Romero tutol sa pagbubuwag sa NFA

Mar Rodriguez Mar 6, 2024
135 Views

Romero1NAGPAHAYAG ng pagtutol ang Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation na si 1-PACMAN Party List Cong. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., patungkol sa napipintong pagbubuwag sa National Food Authority (NFA) kasunod ng inilabas na utos ng Office of the Ombudsman.

Ipinaliwanag ni Romero na sinasang-ayuna nito ang kautusan ng Ombudsman matapos nitong patawan ng preventive suspension ang nasa 139 opisyal at tauhan ng NFA na nasangkot sa “bigas scam” na isang indikasyon na seryoso ang ahensiya na labanan o sugpuin ang korapsiyon.

Sinabi ni Romero na subalit ang hindi nito pinapaboran ay ang napaulat na paglusaw o pagbubuwag sa NFA. Gayunman, iminungkahi ng mambabatas na maaari naman magkaroon ng re-structuring at evaluation ng NFA sa halip na isulong ang pagbubuwag sa nasabing ahensiya.

Binigyang diin ni Romero na ang kasalanan ng mga tiwaling opisyal at tauhan ng NFA ay hindi naman kailangang pasanin ng libo-libong mamamayan na umaasa sa murang bigas ng ahensiya sapagkat maaari naman itong isailalim sa isang mas maayos na proseso o re-structuring.

“Hindi naman maaari na dahil gusto natin puksain ang mga peste sa loob ng ating pamamahay ay gigibain o kaya ay susunugin na natin ang buong bahay natin. Kailangan isipin din natin na papaano naman ang mga umaasa sa NFA, ang kasalanan ba ng iilan ay kailangang pagdusahan ng maraming tao?” sabi ni Romero.

Kinatigan din ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party List Cong. Erwin T. Tulfo ang panawagan na huwag buwagin ang NFA na nagsabing sa halip na lusawin ang ahensiya ay mas makabubuting magpatupad na lamang ng mga programa para linisin ang bakuran nito laban sa korapsiyon.

Binigyang diin ni Tulfo na hindi ang NFA ang problema. Bagkos, kundi ang mga opisyal umano ng ahensiya na lantarang nasasangkot sa katiwalian na dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan.