Roque Sinasagot ng resource person na Atty Harry Roque ang mga tanong sa pagdining ng Quad Committee tungkkol ssa POGO sa People’s Center sa Kamara de Representantes Huwebes ng hapon. Kuha ni VER NOVENO

Roque kulong sa Kamara matapos i-cite in contempt

74 Views

Roque1Roque2NA-CITE in contempt si dating presidential spokesperson Harry Roque sa pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes nitong Huwebes kaugnay ng pagsisinungaling umano nito sa dahilan ng kanyang hindi pagdalo sa pagdinig noong Agosto 16 sa Bacolor, Pampanga.

Bilang parusa, ipinag-utos ng quad committee, na binubuo ng Committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts, na makulong si Roque ng 24 na oras sa detention center ng Kamara de Representantes.

Sumulat si Roque kay Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, ang overall chairman ng quad committee, na hindi ito makadadalo sa pagdinig noong Agosto 16 dahil siya ay haharap sa pagdinig sa Manila Regional Trial Court (RTC).

Pero sinabi ni Kabayan Party-list Rep. Ron Salo na nakakuha ito ng sertipikasyon mula sa Manila RTC na walang naka-schedule na hearing si Roque noong Agosto 16 at ang pagdinig umano nito ay noong Agosto 15.

Ayon kay Salo malinaw na nagsisinungaling si Roque kaya naghain ito ng mosyon na i-cite in contempt si Roque alinsunod sa Section 11(E) ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.

“I therefore move, Mr. Chair, that Atty. Harry Roque be cited in contempt for disrespecting the members of this committee when he lied in order to evade attending the hearing of this committee where he was invited,” sabi ni Salo.

Hiningi naman ng komite ang masasabi ni Roque sa mosyon.

Sinabi ni Roque na nagkaroon ng “honest mistake.”

Paliwanag ni Roque, inakala nito na Huwebes ang Agosto 16 gaya ng mga naunang pagdinig. Akala rin umano nito na gaya noon ay walang pagdinig kapag Biyernes.

“I had no intention of disrespecting the committee. It was an honest mistake, and I apologize,” ani Roque.

Humingi man ng paumanhin, sinabi ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop, vice chair ng apat na komite, si Roque ay dapat pa ring managot sa kanyang pagkakamali.

“When you make a mistake, you should be ready to accept the consequences,” sabi ni Acop kay Roque.

Kinilala ni Roque ang kanyang pagkakamali at handa umanong tanggapin ang magiging desisyon ng komite.

Matapos ang deliberasyon ay isinalang muli ang mosyon ni Salo at walang tumutol dito kaya inaprubahan ni Barbers.

Muling naghain ng mosyon si Salo at hiniling na ikulong si Roque ng 24 na oras.

Inaprubahan din ni Barbers ang mosyon na ito matapos na walang tumutol.

Ipinatawag si Roque sa pagdinig ng komite kaugnay ng kanyang mga negosyo at relason sa mga personalidad na may kaugnayan sa POGO, partikular sa Lucky South 99.

Kinuwestyon ni Batangas Rep. Gerville “Jinky” Luistro si Roque kaugnay ng Biancham Holdings and Trading Inc., isang kompanya na pagmamay-ari ng kanyang pamilya at itinayo noong 2014.

Noong una, si Roque at ang kanyang misis na si Mylah ay mayroon umanong 49.9 porsiyento ng shares ng kompanya hanggang sa mailipat ito kay Atty. Percival Ortega, na ngayon ay may-ari ng 99.99 porsiyento ng kompanya.

Batay sa audited financial report ng Biancham, ang cash balance ng kompanya ay lumobo mula P125,300 noong 2014 ay naging P67.7 milyon noong 2018, ang panahon kung kailan namamayagpag ang POGO sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ipinaliwanag ni Roque na tumaas ito dahil ipinasok dito ang pinagbentahan ng kanilang lupa sa Parañaque City, na pagmamay-ari ng kanyang namayapang tiyahin na minana niya.

Sa mosyon ni Luistro, inutusan ng komite si Roque na isumite ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth nito mula 2016 hanggang 2022, ang kopya ng mga dokumento na naglilipat ng mga shares ng Biancham at ang income tax nito para sa taong 2018.

Si Roque ay nagsilbing spokesperson ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte mula Nobyembre 2017 hanggang Oktobre 2018 at mula Abril 2020 hanggang Nobyembre 2021.

Nauna rito ay nakuwestyon si Roque matapos mahuli sa isang bahay sa Tuba, Benguet, na kanya umanong pagmamay-ari ang dalawang Chinese national na iniuugnay sa iligal na operayson ng POGO sa Bamban, Tarlac.

Sa pagdinig sa Senado, inamin ni Roque na mayroon itong interes sa korporasyon na nagmamay-aro ng bahay sa Benguet.

Nauna na ring sinabi ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman at CEO Alejandro Tengco na kasama si Roque ni Cassandra Li Ong, ang kinatawan ng POGO Lucky South 99, ng bumisita ito sa kanyang tanggapan kaugnay ng hindi nito nabayarang $500,000.

Si Ong ay naaresto sa Indonesia kasama si Shiela Guo, ang kapatid ng sinibak na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.

Nagpalabas ng detention order ang Kamara laban kay Ong matapos itong ma-cite in contempt dahil sa paulit-ulit na hindi pagdalo sa pagdinig ng komite.