Martin Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Sa ika-11 anibersaryo ng Yolanda hamon ni Speaker Romualdez: Maging handa laban sa climate change

103 Views

SA ika-11 anibersaryo ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda, nanawagan si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng patuloy na pagbabantay sa climate change, na mayroong malaking epekto sa kalamidad.

Bilang isa sa mga pinakamalubhang tinamaan ng Yolanda, binigyang-diin ni Speaker Romualdez, ang kinakatawan ng Leyte sa Kongreso, ang dedikasyon at pagsisikap ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa mga batas na magpapalakas sa kakayahan ng bansa sa pagharap sa epekto ng pagbabago ng klima upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa hinaharap.

“Hindi na dapat maulit pa ang trahedyang naganap noong panahon ng Yolanda. Gaano man kalakas ang bagyong darating, dapat nating siguruhin na nakahanda ang ating mga kababayan. We must be vigilant against climate change to protect our people from falling victim to such tragedies,” ani Speaker Romualdez.

Sa Tacloban, ayon sa lider ng Kamara, ang pagtatayo ng isang malaking seawall ay isang mahalagang hakbang patungo sa pagtiyak sa kaligtasan ng komunidad sa lugar.

Ang malaking estrukturang ito, na idinisenyo upang protektahan ang mga taga-Tacloban mula sa mga storm surge o daluyong gaya ng naranasan nang manalasa ang Yolanda, ay nagsisilbing pisikal na panangga para sa lungsod.

“Ang seawall na ito ay nagbibigay ng kapanatagan sa puso ng mga Taclobanon, dahil alam natin na may dagdag na proteksyon laban sa mga bagyong maaaring dumating,” ayon kay Speaker Romualdez.

Dagdag pa niya, ang malaking seawall, na sinimulang gawin noong 2016 at opisyal na kilala bilang Leyte Tide Embankment Project ay may habang 38.12 kilometro mula Tacloban City hanggang sa kalapit na bayan ng Tanauan at may taas na 30 metro.

Inalala ni Speaker Romualdez ang hirap na dinanas ng libo-libo niyang kababayan matapos manalasa ang Yolanda na kumitil ng libo-libong buhay at sumira ng mga tahanan at imprastruktura sa buong rehiyon ng Visayas, kasama na ang kanyang distrito.

Ang Yolanda, isa sa pinakamalalakas na bagyong naitala sa kasaysayan ng mundo, ay nag-iwan ng pagkawasak sa Leyte at iba pang bahagi ng Region 8, kung saan maraming residente ang patuloy na nakikibaka sa mga epekto nito kahit ilang taon na ang nakalipas.

“As public servants, tungkulin namin na siguraduhin ang kaligtasan ng bawat Pilipino. Our commitment to address climate change should continue to inspire us to craft legislation that can shield our people from adverse effects of any calamity,” ayon pa sa mambabatas.

Isa sa mga pangunahing hakbang na isinulong ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez ay ang House Bill (HB) No. 7354 o ang Ligtas Pinoy Centers Act.

Sa ilalim ng panukala ay magtatayo ng mga permanenteng evacuation centers na hindi guguho sa mga bagyo at magsisilbing kanlungan ng mga komunidad sa panahon ng mga kalamidad.

“Ang Ligtas Pinoy Centers Act ay isa lamang sa mga panukalang ating tututukan hanggang maging batas, para lahat ng lalawigan, lungsod at bayan ay mayroong sapat na bilang ng evacuation centers,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang mga itatayong evacuation center ay mayroong mga pasilidad gaya ng healthcare station at mga lugar para sa mga bulnerableng sektor gaya ng senior citizen at persons with disabilities.

Binigyang-diin ng lider ng Kamara na ang pag-iwas sa isa pang trahedya tulad ng Yolanda ay nangangailangan hindi lamang ng agarang tulong at mga hakbang para sa pagbangon, kundi pati na rin ng mga pangmatagalang estratehiya na nakatutok sa katatagan at pag-angkop sa mga pagbabago.

“Hindi sapat na tayo ay maghanda lamang para sa susunod na sakuna; kailangan natin ng mga istrukturang pangmatagalan na tatagal laban sa anumang bagyo o kalamidad,” dagdag pa ng kongresista.

Tiniyak ng Speaker na bibigyang prayoridad ng Kamara ang pagpasa ng mga climate resilience legislation, partikular ang pagtatayo ng mga imprastruktura na kayang humarap sa pagbabago ng panahon.

“We are determined to equip our cities and municipalities with the resources they need to withstand the challenges posed by climate change,” giit pa nito.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mas pinagsamang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan, at mga komunidad sa pagpapatupad ng mga programang ito.

“It takes a whole-of-society approach to combat climate change effectively. We need everyone’s cooperation,” saad pa nito.

Habang ipinagdiriwang ang ika-11 anibersaryo ng Yolanda, na nagsisilbing paalala sa epekto ng malakas na bagyo, ipinahayag ni Speaker Romualdez ang kanyang pakikiisa sa lahat ng mga nawalan ng mga mahal sa buhay at tahanan.

“Hindi namin kayo pababayaan. We are here to make sure that no one is left behind as we move forward,” ayon pa kay Speaker Romualdez.