Calendar

Sa pamumuno ni Speaker Romualdez: Lakas-CMD nananatiling dominanteng partido sa Kamara, nakakuha ng 104 seats sa halalan
SA ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, nanalo ang 104 miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) sa katatapos na congressional elections sa iba’t ibang lugar, kaya nananatili itong pinakamalaking partido sa Kamara de Representantes.
Pinangunahan ni Speaker Romualdez, na nagsisilbing pangulo ng Lakas-CMD na idineklarang dominant majority party sa katatapos na halalan, ang malawak at disiplinadong kampanya ng partido sa buong bansa.
Mula sa 128 congressional candidates na inendorso ng Lakas-CMD, 104 ang nanalo na uupo sa papasok na ika-20 Kongreso, ayon sa datos mula sa Commission on Elections (Comelec) na ipinadala kay Speaker Romualdez ni Lakas-CMD Executive Director Anna Capella Velasco.
“This is a vote of confidence not just in our candidates, but in the kind of leadership and unity that Lakas-CMD represents,” ani Speaker Romualdez. “As party president, I am deeply grateful to the Filipino people for reaffirming our role as a driving force for progress and good governance.”
Kabilang sa mga panalo ng partido ang 79 na muling nahalal na mga incumbent at 25 bagong kinatawan, na nagpapakita ng balanseng kombinasyon ng karanasan at bagong lakas sa lumalawak na pambansang hanay ng partido.
Ayon kay Speaker Romualdez, isang abogado mula sa University of the Philippines (UP) at pangulo ng Philippine Constitution Association (Philconsa)—isa sa pinakamatandang samahan ng mga kilalang legal na personalidad sa bansa, ang tagumpay ng partido sa halalan ay nagsisiguro na mananatili itong mangunguna sa mga inisyatibang pambatas bilang suporta sa Bagong Pilipinas agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Si Speaker Romualdez, na muling nahalal din bilang Kinatawan ng Unang Distrito ng Leyte, ay binigyang-diin na ang mga resulta ng halalan ay nagsisilbing matibay na pundasyon para sa kinabukasan ng partido.
“Lakas-CMD is not just winning elections—we’re building a long-term vision of leadership, service, and nation-building. With this fresh mandate, we are ready to work harder, legislate better, and serve every Filipino with even greater urgency,” ani Speaker Romualdez.
Muling kinumpirma ng pangulo ng Lakas-CMD ang paninindigan ng partido na makipagtulungan sa mga kaalyado nito sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas, isang malawak na koalisyon ng mga pangunahing partidong pampulitika na sumusuporta sa reporma ng administrasyon.
“Together with our partners in the Alyansa, we will continue to push for laws that create jobs, protect the vulnerable, improve education, and strengthen our democracy,” ani Speaker Romualdez.