Tan

Samar todo suporta sa BBM-Sara UniTeam

278 Views

DAANG-LIBONG boto umano ang magiging kalamangan nina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte sa kanilang mga kalaban sa Samar.

Ito ang sinabi ni Samar Gov. Reynolds Michael Tan sa mga mamamahayag na pumunta sa Manila Hotel Tent City kung saan nagtipon ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan mula sa iba’t ibang munisipyo ng kanilang probinsya.

Ayon kay Tan sa 21 nakaupong mayor sa Samar ay 19 ang sumusuporta kina Marcos at Duterte.

Sa 951 barangay, 80% porsyento umano ang sumusuporta sa BBM-Sara UniTeam.

Isang survey umano ang ginawa sa lalawigan at lumabas na 70 porsyento ng mga Samarnon ang sumusuporta sa BBM-Sara tandem.

Sa pagtataya ni Tan, sinabi nito na aabot ang lamang nina Marcos at Duterte sa kani-kanilang kalaban ng mahigit 100,000 boto.

Ang Samar ay mayroong mahigit 600,000 botante.

Ayon kay Tan sawa na ang mga Samarnon sa ingay ng pulitika at naniniwala ang mga ito sa panawagan nina Marcos at Duterte na magkaisa para umangat ang bansa.

“Pagod na rin ‘yung mga taga-Samar sa maingay na pulitika, gusto namin ng pagkakaisa ng mga taga-Samar and we have to consider that BBM, his mother is from Leyte. Leyte and Samar is connected. Parang isa din yan eh…parang talaga Samar na rin si BBM while Mayor Sara naman is from Mindanao, Cebuano-speaking. Bisaya din yun mga taga-Samar so ganun din po yung nararaman, not to mention na President Duterte is a very popular president, and kami din, all-out support kami kay President since day one of his presidency. So I think it can be translated…’yun ‘yung reason bakit malakas talaga,” sabi ni Tan.