Calendar
Sapat na safeguards tiniyak sa RTL amendment bill
TINIYAK ni House Committee on Agriculture and Food chairman Mark Enverga ng Quezon 1st District na mayroong sapat na safeguard ang panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) na naglalayong ibaba ang presyo ng bigas.
Kasama sa panukalang amyenda ang pagbabalik ng kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na magbenta ng bigas upang mapanatili ang presyo nito sa merkado.
“Before, the NFA had monopoly in terms of rice imports, they had monopoly in terms of regulation. I would like to assure our counterparts in the Senate that this is a different scenario. In fact, very limited ang kanilang (NFA) magiging presence dito—only in case of emergency situations and importation is merely a last resort,” paliwanag ni Enverga sa ginanap na pulong balitaan sa Kamara de Representantes.
Nauna rito ay nagpahayag ng agam-gam si Sen. Cynthia Villar, chairwoman ng Senate Committee on Agriculture and Food sa panukala ng Kamara na ibalik ang kapangyarihan ng NFA na bumili ng imported na bigas dahil sa pagkakasangkot sa korupsyon at kawalang malasakit umano sa mga lokal na magsasaka at mamimili.
Sinabi ni Enverga na bagama’t nauunawaan niya ang pangamba ni Villar y mahalaga pa ring ibigay sa NFA ang trabaho lalo’t sila ang may technical expertise at tungkulin na mapanatili ang presyo sa mga pamilihan.
“I think NFA is the rightful agency or administration that could handle this matter, especially ‘yung price stabilization function,” paliwanag ni Enverga.
Dagdag pa ng mambabatas, “Sa importation kasi, I think na-mention kasi nila (senators) parating importation ‘yung worry nila. And as I’ve mentioned, importation would be the last resort so we put in stringent safeguard measures here and we know for a fact that very powerful po ‘yung NFA Council po rito wherein they could stipulate also their own safeguard measures.”
Gayunpaman, sinabi ni rin ni Enverga na handa rin siyang makipag-ugnayan sa mga senador upang ipaliwanag ang nilalaman at layunin ng substitute bill ng RTL, na inaprubahan ng kanyang komite noong nakaraang linggo.
Ang substitute bill o ang House Bill (HB) No. 10381, ay hindi lamang magbabalik sa tungkulin ng NFA na mapanatili ang presyo at suplay ng bigas, kundi ay inaatasan din ang pagrerehistro sa lahat ng mga bodega ng bigas, magsagawa ng inspeksyon upang tiyakin ang pagsunod sa mga pamantayan sa kalidad at suplay ng bigas, at inaatasan ang pagkakaroon ng buffer stock mula sa lokal na mga samahan at kooperatiba ng mga magsasaka.
Layunin din ng panukala ang pagpapalakas sa regulatory authority ng Bureau of Plant and Industry, upang matiyak na sumusunod sa panuntunan ang mga imbakan ng pagkain sa sanitary at phytosanitary standards.
Binibigyan tuon din sa panukala ang pagpapatuloy ng Rice Competitive Enhancement Fund (RCEF), na makakatulong sa pangmatagalang solusyon sa mga kinakaharap na problema sa industriya ng bigas.
Nanghihinayang naman si House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Partylist Rep. Jil Bongalon, kung hindi sasang-ayon sa panukalang amyenda sa RTL ang Senado upang maging ganp itong batas.
“The administration and the House of Representatives, if there would be no amendment to the RTL will be enacted, of course, will be frustrated,” ayon kay Bongalon.
Aniya, masasayang din ang pagsisikap nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na mabago at mapabuti ang batas.
“Sinasabi naman ng ating Pangulo na talagang kailangan na nating pababain ang presyo ng bigas and that is the reason why nag-issue po siya ng certificate of urgency sa pagpapasa po ng amendment. In fact, through Speaker Martin, nagbigay po siya ng directives. And we have the hard working chairman of the Committee on Agriculture and Food, so finast-track talaga nila, nag-marathon sila ng hearings dito,” giit pa ni Bongalon.
Sa kabila nito, umaasa pa rin ang mambabatas sa pakikiisa ng Senado sa usapin, lalo’t iisa ang hangarin na mabigyan ang mga ordinaryong Filipino ng sapat at abot-kayang presyo ng bigas na mabibili sa pamilihan.
Iginit pa ng kongresista ang kahalagahan ng matatag na suplay ng bigas, na siyang tungkulin ng NFA.
Panawagan naman ni Assistant Majority Leader at La Union 1st District Rep. Francisco Paolo Ortega V ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga mambabatas upang maipatupad ang batas na kapaki-pakinabang sa mga Filipino.
Dagdag pa ni Ortega, na sa mga panayam ay nagpahayag din ng pag-aalala ang mga senador sa isyu ng mataas na presyo ng bigas at ang epekto nito sa publiko.
Kaya’t gayun na lang ng pagsisikap ng Kamara na humanap ng solusyon upang tugunan ang problema sa pamamagitan ng pagpapabuti ng RTL, na sana’y maunawaan ng mga senador.
“Kung ganun ang statement nila sa media, ganun ang sinasabi nila na gusto nila na ibaba ang presyo, gusto nila ng better options po sa mga mas nangangailangan, then I don’t see any reason bakit po hindi makikiisa ‘yung ating mga senators na gawin ito kasi ‘yun po ang statement nila sa mga tao,” ayon pa kay Ortega.