dswd

Sec. Erwin Tulfo DSWD, DILG, LGU sanib pwersa sa pagbibigay ng educational assistance

165 Views

erwin tulfoKASABAY ng paghingi ng paumanhin, nangako si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Erwin Tulfo na mas maayos na ang pamimigay ng educational assistance sa mga mahihirap na mga estudyante sa bansa sa mga darating na Sabado.

Sinabi ni Sec. Tulfo, nag-usap na sila ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos para doon na lang sa mga lungsod at bayan-bayan ang mga payout.

Ani Sec. Tulfo, “ayaw na po natin na maulit yung nangyari noong Sabado na nagkagulo at maraming hindi nabigyan ng ayuda dahil dumagsa ang tao na galing sa iba’t-ibang lugar.”

Dagdag pa ng kalihim, 48,000 estudyante ang nabigyan ng ayuda noong Sabado na umabot sa halagang P141 milyon.

Ngayong araw, lalagdaan ng dalawang kalihim ang isang Memorandum of Agreement (MOA) para ibaba na sa LGU ang payout ng educational assistance.

Sa naturang kasunduan, ang mga social worker ng DSWD ang mag-iinterbyu sa kliyente habang ang LGU ang magbibigay ng pwesto kung saan ang payout at mga karagdagang na tauhan tulad ng mga cashier, pulis, at mga traffic enforcer at mga tanod.

Ang DSWD worker din ang magtatakda kung magkano ang ibibigay na ayuda sa bawat estudyante.

Muling humihingi ng paumanhin o pasensya si Sec. Tulfo sa aberya at nangakong itatama agad ang pagkakamali.