Calendar
Sec. Jonvic: 29 na parak sa P6.7B shabu case matitiklo next week
KINUMPIRMA ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na bumuo na ang Philippine National Police (PNP) ng Task Force (TF) para hulihin ang 29 na pulis na may search warrants kaugnay sa mga kasong kriminal na may kinalaman sa P6.7 bilyon drug haul noong Oktubre 2022.
“May task force na si Gen. (Rommel Francisco) Marbil para makuha lahat ng mga accused, lahat (ng) may warrant of arrest. Sabi niya within this week makukuha niya lahat,” pahayag ni Remulla.
Pinuri ng kalihim ang pamumuno ni PNP Gen. Marbil sa kanilang mga nagawa sa kampanya laban sa ilegal na droga na naisagawa alinsunod sa batas.
“Marami silang accomplishment, marami silang nahuhuli except iba lang ang mentality (ng publiko) ngayon dahil walang namamatay. Ngayon ang kinukuha talaga mga guilty lang, sinisigurado sila,” dagdag pa niya.
Noong nakaraang linggo, ibinunyag ni Remulla na 41 pang pulis ang hinawakan para sa administratibong pananagutan kaugnay ng naturang insidente ng droga.
Ayon sa DILG Chief, ang Department of Justice (DOJ) nakatakdang magsampa ng mga bagong kaso ukol sa sabwatan at pakikipagsabwatan laban sa mga sangkot na tauhan na mga kasong hindi maaaring piyansahan.
Binigyang-diin din ni Remulla na hahabulin ang mga tiwaling pulis na sumisira sa mabuting imahe ng 225,000-strong police force.