Bong Sen. Christopher “Bong” Go

Sen. Bong Go may malaking papel sa pagtatalaga kay Garma bilang GM ng PCSO

32 Views

MAYROONG malaking papel si Sen. Christopher “Bong” Go kaya mula sa pagiging pulis ni dating Police Col. Royina Garma ay naitalaga ito bilang general manager (GM) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang lumabas sa ikalimang pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes na nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng koneksyon ng operasyon ng iligal na mga Philippine offshore gaming operator (POGO) sa extrajudicial killings (EJK) at bentahan ng iligal na droga noong administrasyong Duterte.

Sa kanyang interpellation, tinanong ni House Assistant Majority Leader at Taguig City 2nd District Rep. Pammy Zamora si Garma kaugnay ng proseso ng kanyang pagpasok sa PCSO, ilang araw matapos itong magretiro bilang pulis.

“I submitted my application… to now Sen. Bong Go,” sagot ni Garma kay Zamora. “I wrote a letter addressed to the President applying for the position.”

Sumunod na tanong ni Zamora ay kung personal na kakilala siya ni Go.

“Lahat po ng police sa Davao kilala si Sen. Bong Go…Wala pong police na hindi nakakakilala sa kanya, lalo na po officers,” sabi ni Garma.

Binigyang-diin ng tugon ni Garma ang malalim na pagkakakilala ng mga opisyal ng pulisya sa Davao kay Go, bunsod ng pagiging malapit nito kay Duterte.

Matapos umanong isumite ni Garma ang kanyang aplikasyon kay Go, sinabihan umano ito na rerepasuhin ito ni Duterte.

“Babasahin ni president, and obviously nabasa niya kasi ikaw ang napiling general manager, tama po ba?” tanong ni Zamora na nakakuha ng positibong sagot mula kay Garma.

Kinumpirma rin ni Garma na siya ay binigyan ng personal na utos ni Duterte noong siya ay GM ng PCSO.

Si Garma ay itinuro ng apat na testigo sa imbestigasyon ng quad comm na nasa likod ng pagpatay sa tatlong nakakulong na Chinese drug lord sa Davao Prison and Penal Farm noong 2016, sa pasimula ng madugong war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Ang pagpatay sa tatlong Chinese, na nakakulong na, ay bahagi ng mga ebidensya para patunayan ang mga EJK sa kontrobersyal na kampanya ni Duterte.

Ang imbestigasyon noong Huwebes ay hindi ang unang pagkakataon na nabanggit ang pangalan ni Go.

Sa pagharap sa pagdinig ni Lt. Col. Jovie Espenido, na nakilala bilang “poster boy” ng Duterte war on drugs, sinabi nito na binibigyan ng reward ang mga pulis at vigilante na nakakapatay ng mga drug suspek.

Ang ibinabayad umanong reward ay galing sa POGO, jueteng, small town lottery at sa intelligence fund ng gobyerno, at ibinababa mula sa lebel ni Go.

Ayon kay Espenido, P20,000 ang reward sa bawat napapatay.

Sa pagdinig noong Huwebes, tinanong ng mga mambabatas si Garma kung malapit ito kay Duterte dahil naitalaga ito sa PCSO.

Noong pulis pa, si Garma ay naitalaga sa iba’t ibang puwesto sa Davao City bago nailipat sa Cebu City Police kaya hindi umano imposible na naging malapit ito kay Duterte.

Ang pagiging malapit nito kay Duterte ang itinuturong dahilan kung bakit siya naitalaga sa PCSO.

Sa isang bahagi ng pagdinig, inamin ni Garma na nakakadirekta ito kay Duterte sa Malacañang sa pamamagitan ni Go.

Nagtanong si Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop, isang dating police general, kung sino sa mga pulis ang pinakamalapit kay Duterte noong nasa Palasyo pa ito.

Sagot nina National Police Commission Commissioner Edilberto Leonardo at Police Brig. Gen. Noel Sandoval — kapwa nakasama ni Garma sa Davao — si noon ay PNP chief at ngayon ay Sen. Ronald Dela Rosa.

“I believe otherwise, Colonel. You know why? Narinig ko na minsan ‘yong sinabi ni Bato (dela Rosa), meron pang isang opisyal na mas malapit sa tenga ni former President Rodrigo Roa Duterte,” sabi ni Garma.

Tinanong ni Acop si Gamra kung nakakadirekta ito kay Duterte at hindi na dumaraan sa kanyang mga opisyal sa pamamagitan ni Go.

“Madam Garma, you have always denied na close ka sa Presidente. Pero there had been reports na ikaw, nakaka-deretso do’n sa Malacañang basta dumaan ka kay Senator Bong Go. Would that be correct?” tanong ni Acop.

“Yes, your Honor,” sagot ni Garma, na isang pagkumpirma sa pagiging malapit nito sa dating Pangulo.

Dahil nagsisinungaling umano at hindi sinasabi ang buong katotohanan, na-cite in contempt si Garma ng komite sa mosyon ni Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano, chairman ng House committee on public accounts.

Nagmosyon naman si 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez na ikulong si Garma sa detention center ng Kamara hanggang sa matapos ang imbestigasyon.

Nilinaw naman ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, ang chairman ng House committee on dangerous drugs at overall chair ng quad committee, na maaaring mapaaga ang paglabas ni Garma kung makikipagtulungan na ito sa komite.

“If she changes her mind and she suddenly cooperates, then the committee will be more than willing to accommodate her motion for reconsideration,” sabi ni Barbers.