Imee Marcos

Sen. Imee dapat managot sa 4P’s fund realignment

Mar Rodriguez Mar 5, 2024
104 Views

DAPAT managot si Sen. Imee Marcos sa ginawa nitong paglipat ng P13 bilyong pondo na nakalaan para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s sa national budget ng nakaraang taon papunta sa ibang social amelioration program.

Ayon kay House Assistant Majority Leader at AKO BICOL Rep. Raul Angelo “Jill” Bongalon, karapat-dapat lamang na talakayin ang naging implikasyon ng ginawang paglilipat ng pondo ng Senadora na para sa 4P’s program, lalu na at 4.3 milyong mahihirap na Filiino ang hindi nakatanggap ng cash assistance mula sa programa.

“Wala ho tayong plano na tigilan itong sa 4Ps issue,” ayon kay Bongalon sa ginanap na pulong balitaan sa Kamara.

Sinabi pa ni Bongalon na dahil sa ginawang realignment ng pondo para sa programa ay umabot sa P9 bilyon ang budget deficit sa 2023 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Paliwanag pa ni Bongalon na kung pinanatili ang P13 bilyon sa 4P’s 2023 budget ay maaring magamit sa budget deficit ng tanggapan.

Una na ring inamin ni Senator Marcos ang pagtapyas sa P13 billion mula sa 4Ps budget, bilang pinuno ng Senate finance sub-committee na responsable sa DSWD budget.

Katwiran ng senadora na inilipat ang pondo upang mabilis na maipatupad ang mga proyekto ng DSWD, kabilang na ang supplemental feeding, Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services or KALAHI-CIDSS, Quick Response Fund for disasters, at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Dismayado naman si Bongalon sa naging katwiran ni Senator Marcos para sa paglipat ng pondo, dahil sa negatibong epekto nito sa libo-libong benepisyaryo na umaasa 4P’s program na hindi nakatanggap ng financial assistance.

Sinabi pa ni Bongalon na ang ginawa ng Senadora ay maaring may kinalaman sa kanyang re-election campaign.

“But then again, ang pinaka punto ho natin dito kasi is that, it would be unfair and unreasonable na i-slash mo ang budget ng isang programa at ilalagay mo sa ibang programa,” ayon pa kay Bongalon.

Dagdag pa ng mambabatas, “At ang masama pa ho dito e nagagamit nya po sa kanyang pag-ikot. Siguro bilang, dahil sa re-eleksyonista si Senadora Imee, so ‘yun po ang ginagamit nya.”